MULING binigyan ng pagkilala ang Japanese actor na si Jacky Woo. Sa ilang taon ng pagsali ng mga pelikula ni Jacky sa mga International filmfest, ngayon lang niya nasungkit ang Best Actor trophy. Ito ay sa katatapos lang na International Filmmakers of World Cinema na nagsimula sa London, England. Sa mga nagdaang filmfest ay technical awards lang ang nakukuha ng film entries ni Jacky. Kaya overwhelmed siya sa katatapos na filmfest nang manalo para sa Tomodachi.
Ito ay susundan pa sa Nice, France, Madrid, Berlin, Milan, at Amsterdam.
Aminado si Jacky na habang ginagawa noon ang Tomodachi ng Global Japan Incorporated ay inspirado siya. Ito’y mula sa direksiyon ni Joel Lamangan at tinampukan din nina Eddie Garcia, Bela Padilla, Pancho Magno, at Hiro Peralta.
Ang Tomodachi (na ang kahulugan ay kaibigan) ay hinggil sa pagmamahalan nina Toshiro (Jacky) at Rosalinda (Bela). Isang pag-iibigan sa pagitan ng isang sundalong Hapon at Filipina na naganap sa sa ilalim ng digmaan.
Natutuwa rin si Jacky dahil marami siyang nakikilang mga filmmakers at producers na interesado sa kanya. May nakipag-meeting sa kanya sa London para sa isang project na kukunan sa Europe at bukod diyan ay may pinirmahan na naman siyang bagong kontrata sa isang ahente na magma-market ng mga pelikula niya sa Europe. Dito pala siya kumikita at maraming European pala ang interesado sa mga Japanese movies.
Sa pelikulang gagawin niya sa Europe ay plano ni Jacky na kumuha ng bagong artistang Pinay na makakasama niya. Hindi pa rin nawawala sa puso ni Jacky ang makatulong sa mga Pinoy na may angking kakayahan sa pag-arte. Pinoy pa rin ang priority niyang matulungan kahit hindi naman niya kailangang gawin.
Sa kasalukuyan, si Jacky ay napapanood sa Bubble Gang at sa iba pang GMA shows.
Mayroon din siyang dalawang branch ng Pinoy restaurant na pinangalanan niyang Kusina Lokal na matatagpuan sa Centris Walk sa panulukan ng EDSA at Quezon Avenue, Quezon City at sa Davao, located sa Bldg A Door 1 & 2 Focal Point Ecowest Drive, sa Ecoland Davao City.
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio