ITINUTURING ni Lance Raymundo na isang challenge sa kanya ang maidirek ng premyadong direktor na si Elwood Perez. Pinagbibidahan ni Lance ang latest na ginagawang movie ni Direk Elwood titled Mnemonics. Aminado si Lance na iba ang style nito bilang filmmaker at masaya siyang makatrabaho ito.
“Isa sa pinakakakaibang style yung Kay Direk! But it’s a very interesting experience at talagang ninanamnam ko ang bawat shooting day kasi karangalan ko na mapasali sa isang Elwood Perez film.
“Challenge na rin sakin yun as an actor to play Elwood excellently para tingin sa akin ng audience ay si Elwood talaga,” esplika ng versatile na singer/actor.
Nagkuwento rin siya ng ilang experience sa kanilang director dito.
“Noong isang araw, minemorize ko na yung linya ko, tapos pagkadating ko sa set, sabi niya sa akin,’ Lance magchacha-Chavacano ka.’ Tapos on the spot may isang artista pala na marunong mag-Chavacano, ibinigay sa akin yung script, pero-sabi ko, ‘How long will I memorize?’ Sagot niya, “We’re shooting in five minutes.’ So, ganoon siya eh,” natatawang saad ni Lance.
Dagdag pa niya, “I mean, it’s also good, siguro ganoon din yung tiwala niya sa akin, di ba? And ano naman, nagagawa naman, tapos noong tinitignan namin yung rushes pati yung Chavacano (dialogues), he is happy. So siguro ano, nasukat niya na yung capability ko at the same time, ako naman, I trusted him, he is Direk Elwood…
“So kahit na as an actor na sasabihin ko, medyo weird itong ginagawa ko ngayon, I have full faith na yung iniisip kong weird ngayon, will end up as part ng master piece na binubuo niya.”
Paano mo ide-describe yung role mo sa Mnemonics at anong klaseng movie ito, documentary/autobiography ni Direk?
“Yung character ko ay isang ‘romanticized version’ ni Direk Elwood mismo. I represent him at his prime. Noong una, noong sinabi niya sa akin na ako ang magiging young Elwood, akala ko, yung mga eksena ko ay flashback ng 70’s at 80’s. Tapos, karamihan ng eksena ko ay ‘present day situations. Yun pala… ako ang visual representation ni Direk Elwood sa sarili niya para sa mga manonood kung paano niya gustong iprisinta ang kanyang sarili. Meaning, kahit na 70 plus na siya, siya pa rin ang Elwood na nakilala at minahal at nirespeto natin noong dekada 80’s!
“It’s a full length film, not a documentary. Its a mixture of fact and all the cinematic ideas in Direk’s mind,” saad ni Lance.
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio