EXCITING at napapanahon ang pelikulang ire-release ng Viva Films, at Aliud Entertainment, ang Swipe na mapapanood na sa Pebrero 1 na idinirehe ni Ed Lejano.
Ang Swipe ay tamang-tama sa mahihilig sa internet. Ukol kasi ito sa mga online dating na ipakikita ng pelikula ang pangit at magandang naidudulot nito sa mga taong sumusubok humanap ng lovelife online.
Rito pumapasok ang basic rule na, “Swipe right on the pic if you like, swipe left if you don’t.”
Inilahad ito sa pelikula sa pamamagitan ng mga nakatira sa Sunrise Apartments, na ang buhay ay nasa ilalim ng rule na ito.
Sa CCTV na ikinabit sa Sunrise apartments, makikita ang mga karaniwang ginagawa ng mga tenant na naninirahan doon.
Isa na si Loida (Mercedes Cabral), ang lady guard ng condo na hina-harass ni Leo (Luis Alandy), ang building supervisor na kumuha sa kanya at unang nakilala bago pa nagka-interes sa social dating site. Ninais ni Leo na ibalik ang kanilang relasyon habang umaasa siyang babalikan siya ng kanyang asawang OFW. At dahil hindi niya matanggap ang rejection, binantaan niya itong ie-expose ang kanilang recorded illicit act online.
Nakatira rin sa condo si Gloria (Isabel Lopez), na kaka-annul lang at nagkaroon ng kaugnayan sa kanyang online chatmate, si Ted, isang investment consultant. Ang kanyang anak na si Jiggy (Neil Coleta), ay walang kaalaman sa romantic affairs ng kanyang ina dahil sa negosyong online networking.
Si Frank naman (Gabby Eigenmann), ay isang may-asawa na aktibo sa gay social dating sites at nanakawan ng cellphone ng lalaking nakilala niya online. Hindi niya ito inireport sa pulisya dahil na-in-love na siya sa macho at nangangailangang suspek.
Naroon din sa condo sina Janet (Meg Imperial) at Edwad (Alex Medina), ang pinakabagong tenant na umaasang maaayos ang pagsasama habang unti-unting nakawawala sa pagiging adik sa droga. At habang inuumpisahan ni Janet ang kanilang bagong buhay, unti-unti ring nagkakaroon ng problema ang kanilang pagsasama dahil na rin sa pagka-adik at pagseselos, na-hook siya sa online dating sites para mapunan ang kanyang ‘pangangailangan’.
Ang Swipe ay nararapat mapanood ng mga taong mahilig sa internet. Itoý prodyus din nina Paolo Fernandez at Arnold Argano para sa Aliud Entertainment.