“KUNG ayaw mo, ‘di wag mo!” Ito dapat ang maging attitude ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa ginagawang pananakot ng National Democratic Front (NDF) na maaari nilang bawiin ang idineklarang unilateral ceasefire.
Ayon sa NDF, ang bantang pagbawi ng unilateral ceasefire ay dahil na rin umano sa hindi pagtupad ng pamahalaan sa pagpapalaya sa political prisoners at ang patuloy na paglabag sa tigil-putukan.
Binigyang diin ng NDF na kung hindi tutuparin ng pamahalaan ang mga naipangako, malamang hindi na matuloy ang bilateral ceasefire agreement na inaasahan ng marami na magbibigay-daan para sa tagumpay ng peace talks.
Pero ang ganitong mga postura ng NDF ay hindi dapat patulan ni Duterte. Maaaring magbigay ng direktiba si Duterte sa kanyang mga negosyador na kung hindi matutuloy ang bilateral ceasefire maaari pa namang ituloy ang usapang pangkapayapaan.
Hindi dapat magpa-bully si Duterte sa mga luma at bulok na taktika ng NDF. Kung sakali mang hindi na matuloy ang bilateral ceasefire, at sa kalaunan ay tuluyang umatras ang NDF sa peace talks, hindi kawalan ito ng pamahalaan kundi ng mga komunistang utak pulbura.