BINIBIRO namin si Direk GB Sampedro kung kailan siya mag-aasawa nang makita namin sa grand presscon ng Mang Kepweng: The Returns dahil nangako siya sa amin na pagtuntong niya ng 38 ay magpapakasal na siya.
Pero heto at umabot na sa 40 si direk GB, pero nanatiling single pa rin.
Tumatawang sabi sa amin ni direk GB, ”wala, mahirap nang magkamali pa, sa edad kong 40.”
Inamin sa amin ng direktor na talagang nag-iingat at namimili na siya, ”oo, bawal nang magkamali pa.”
Ang huling nakarelasyong hayag ni direk GB ay si Daiana Menezes (hiwalay na sa asawa) kaya biniro naming single na rin ulit ang Tisay na aktres, ”hindi ko alam. Hindi pa kami nagkikita mula nong naghiwalay kami.”
Aminadong hindi naging maganda ang paghihiwalay nina direk GB at Daiana, “wala namang hiwalayang maayos talaga as in 100% okay, kumbaga siguro kailangan lang ng tamang timing para magkausap kami, kung may natitirang sama ng loob o ano, maayos.”
Wala namang binanggit din ang direktor kung babalikan niya si Daiana, ”hindi ko iniisip ang prospect-prospect. Kusa na lang darating ‘yan.
“Marami naman tayong nakikitang magaganda, ang daming maganda sa industriya natin, siyempre hintayin mo lang kung sino ‘yung ibibigay sa ‘yo.”
Aminado si direk GB na handang-handa na siyang mag-asawa, ”matagal na akong ready to settle down, asawa na lang ang kulang,” tumatawang sabi pa.
Madali na rin daw ang bahay na tutuluyan at singsing, ”mapapangasawa na lang talaga ang kulang.”
Wala na si direk GB sa TV5 pero hindi siya nawawalan ng raket tulad ng concerts at events dahil konektado siya sa PAGCOR.
At heto nga, napili siyang magdirehe ng Mang Kepweng, The Returns kaya naman excited siya dahil first time niyang magdirehe ng comedy film at hindi raw nahirapan si direk GB dahil makulit din siya sa tunay na buhay.
“Makulit ako in person kaya sakto lang. At saka mixed naman ito, hindi lang comedy, may horror at fantasy. ‘Yung una kong movie, medyo dark at heavy drama.
“So far okay naman lahat, na-enjoy ko naman itong ‘Mang Kepweng’, kasi challenge pang bagong materyales,” kuwento ng direktor.
Mapili rin ba sa movie project si direk GB kasi bihira siyang gumawa ng pelikula?”Ano raw kasi ‘yan, kung hindi ukol, hindi bubukol.
“Itong ‘Mang Kepweng’, actually, nag-brainstorming muna kami ng Cineko kung anong gusto nila at gustong gawin, tinanong nila ako kung gusto kong mag-‘Mang Kepweng’, sabi ko kaagad, ‘oo naman, history ng Philippine Cinema ang ‘Mang Kepweng’, kinalakihan ko ‘yan.”
Paano ibebenta nina direk GB ang Mang Kepweng na hindi kilala ng millennials?
“Oo hindi nga kasi 70’s kasi going 80’s si Mang Kepweng, kaya hindi nila naabutan. Kaya ito ang tamang panahon na makilala nila si Mang Kepweng at magbalik-tanaw sila at tatanungin nila sa magulang nila kung sino si Chiquito, magandang point of discussion ito,” katwiran ni direk GB.
Pambata ang Mang Kepweng lalo’t si Vhong pa ang bida na mas maraming fans na bata kaya tinanong namin si direk GB kung ano ang naramdaman niya noong hindi napili ang pelikula sa 2016 Metro Manila Film Festival.
“Actually, nanghinayang, sayang ‘yung opportunity na hindi nakasama sa Metro Manila Film Festival, para sa akin kasi kailangan mong tanggapin ang sitwasyon, pero hindi naman sumama ang loob ko, iginagalang ko ang desisyon ng mga jury, desisyon nila.
“May mga taong kakilala rin sa MMFF, kaya I understand kung ano ‘yung gusto nilang mangyari,” pahayag ng direktor.
Sa tanong na pawang quality films ang napili, sang-ayon ba si direk GB? ”Siguro para sa panlasa nila (jury), ‘yun ang quality films. ‘Pag sinabing quality films para sa isang tao, eh, hindi naman quality film din para sa akin o para sa iyo. Kumbaga kanya-kanyang pananaw ‘yan.
“Kung hindi nila (jury) nagustuhan ang ‘Mang Kepweng’, I hope ‘yung mas nakararami ang magkagusto.”
Halimbawang napasama naman ang Mang Kepweng, pabor ba ang direktor sa 30% discount para sa mga estudyante, PWD’s at senior citizen?
“Sa akin naman, malaking kawalan para sa producers. Ang producers ang magdedesisyon kung papabor sila, pero kung ako ang tatanungin at sa ikabubuti ng industriya at ‘yung isinusulong nilang 30% para mas maraming manood, why not, bakit hindi natin subukan. ‘Yun nga lang, kailangang magsakripisyo ng producers. Baka sakali, ito ‘yung mag-encourage sa lahat para manood,”katwiran ni direk GB.
Hindi lang direktor si GB sa Mang Kepweng kundi line producer pa kaya naman nagpapasalamat siya sa Cineko Production.
Ang ibang kasama ni Vhong sa Mang Kepweng ay sina Jaclyn Jose, Kim Domingo, Louise de los Reyes, Sunshine Cruz, Juancho Trivino, James Blanco, Pen Medina, Valeen Montenegro, Jhong Hilario, Jackie Rice, Jobert Austria, Balang, Josh de Guzman, Chun Sa, Tuko, Gerhard Acao at marami pang iba na mapapanood na ngayong Enero 4, 2017.
FACT SHEET – Reggee Bonoan