NAAWA kami sa pelikulang Sunday Beauty Queen dahil kumita lang ng P4,000 sa unang araw. Yes Ateng Maricris, as in 4 kiyaw. Sitsit pa ng katoto, walong katao lang daw ang nanood sa Gateway noong nagbukas ang Metro Manila Film Festival 2016.
Pero ang positive side ay maganda ang istorya dahil touching love story na tinitiis ng mga kababayan nating OFW na pikit matang naninilbihan sa mga hindi kalahi para lang buhayin ang mga mahal sa buhay.
Documentary film ito at walang artistang bida kaya huwag mag-expect ang producers at direktor na maging blockbuster ito sa MMFF.
Sana lang sa ibang film festivals na lang ito isinali baka kumita pa ng higit sa P4,000 at hindi nakipagsabayan ngayong MMFF.
Luhaan din ang Kabisera na kumabig lang ng P450,000. Nasaan na ang supporters ni Ms. Nora Aunor? Wala bang fans ang mga artistang kasama sa pelikula? Sayang naman kung hindi ito aabot sa mga sinehan hanggang Enero 3.
Ang napaka-ingay na Oro ni Mercedes Cabral ay nakapagtala lang ng P600,000. Anyare? Hindi ba type ng mga tao ang true to life? Sana umabot din ito hanggang Enero 3.
SAVING SALLY,
NAKA-P1.8-M
Mabuti pa ang Saving Sally, umabot sa P1.8-M na ibig sabihin ay maraming fans si Rhian Ramos? At maraming naka-relate sa animation. ‘Yun lang, sana hindi ma-pull out sa ikatlong araw para naman makabawi ang producers sa 10 years nilang ginastos para lang mabuo ang pelikula at maipagawa na ang nasirang aircon sa editing house nila.
VINCE & KATH
& JAMES, NANGUNA
Anyway, ang Top 4 na kumita ngayong MMFF ay pinangunahan ng Vince & Kath & James na kumita ng P17-M.
Kaya masaya kami sa dalawang aktor na baguhan na sina Joshua Garcia at Ronnie Alonte dahil launching movie palang nila ang Vince & Kath & James ay box office hit na kaagad at still counting.
Hindi naman baguhan si Julia Barretto sa showbiz, pero considered title role niya ang VKJ kaya masaya rin ang dalaga.
Sa totoo lang ang aktres ang naisip namin kaya kumita ang VKJ dahil sabi nga niya sa nakaraang interview namin sa presscon ay sana panoorin ang pelikula nila at wish niya na kumita ito bukod pa sa hiniling niyang mahalin na siya ng tao, base sa sinabi niya sa one-on-one interview niya sa Tonight with Boy Abunda.
Good karma ang nangyari kay Julia dahil nakipag-ayos siya sa tatay niyang si Dennis Padilla na nagkaroon sila ng gusot nitong 2015-2016. At least maganda na ang pagpasok ng 2017 sa aktres.
Pangalawang kumita ng malaki ay ang Die Beautiful na naka-P10.5-M at komento ng mga nakapanood, immaculate performance raw si Paolo Ballesteros dito kaya posibleng iuwi ang Best Actor trophy.
Pangatlo ang Ang Babae sa Septik Tank 2 na kumite ng P9.4-M at tawang-tawa naman ang lahat ng mga nakapanood. Pero wala naman silang binanggit na mananalong Best Actress si Eugene Domingo.
Pang-apat ang Seklusyon na nagtala ng P8.5-M na posibleng mag-uwi raw ng Best Actress si Rhed Bustamante at ang ganda ng cinematography at production design kaya posibleng pawang technical awards ang iuwi nito.
KABISERA AT ORO, MANANALO
NG MGA TECHNICAL AWARD
Kabilang din ang mga pelikulang Kabisera at Oro sa hinuhulaang mananalo ng technical awards.
Best Story ang Saving Sally at Vince & Kath & James at Best Director award naman ang isa kina Direk Jun Lana, Erik Matti, at Theodore Boborol.
Malamang may special award ang Sunday Beauty Queen sabi rin ng mga nakapanood.
Anyway, mapapanood ang Metro Manila Film Festival awards night sa KIA Theater, Araneta Coliseum, Cubao sa Disyembre 29, Huwebes.
Sinuman ang mga mananalo, advance congratulations.
FACT SHEET – Reggee Bonoan