ISA kami sa masuwerteng nakakain sa Lucky Rainbow Hong Kong Seafood Restaurant sa 2224 Patriarch Building Pasong Tamo corner Don Bosco Streets, Makati City mula sa imbitasyon ng katotong Jobert Sucaldito na akala namin ay one of those famous Chinese restaurants na madalas naming kainan kapag may presscon.
High school friends sa La Salle Greenhills sina Neal Gonzales at Allan Almazar hanggang kolehiyo sa UP at ngayong may mga pamilya na ay hindi napaghiwalay.
Maraming pinagdaanang hirap at sarap sina Neal at Allan at naisip nilang magtayo ng restaurant two years ago, ang Lucky Rainbow Hong Kong Seafood Restaurant na may sangay din sa Banawe Street, Quezon City na dalawang taon palang ay nabawi na nila ang puhunan dahil sobrang lakas daw.
Bukod kay Neal ay partner din nila ang kapwa nila La Sallites na si Edu Manzano.
Si Neal ay anak ng dating editor in chief ng Manila Bulletin na si Mr. Pat Gonzales na isinunod ang pangalan ng building ng Lucky Rainbow Hong Kong Seafood Restaurant na Patriarch.
Kuwento ni Neal, “bata pa ako, isinasama na ako ng daddy ko sa Bulletin, masarap doon kasi mahilig din akong magbasa, pero hindi ko nasundan ang yapak niya, eh. Mas gusto ko ang business kaya heto one of our business is this restaurant. Actually, hindi ako marunong magluto, mahilig lang akong kumain, ‘yung isang partner namin ang nag-encourage na magtayo since mahihilig kaming kumain lahat para may venue kami if ever.”
Samantala, nalaman din namin kina Neal at Allan na madalas palang kumain doon ang dating Presidenteng si Noynoy Aquino kasama ang ilang kaibigan.
Kuwento ni Allan, “madalas si PNoy dito as in. Siguro kasi gusto niya ang lugar kasi hindi crowded at may sarili siyempre silang kuwarto. Rito sila madalas mag-meeting.”
Nagtanong kami kung may girlfriend na kasama ang dating Presidente, pero ngumiti lang sa amin ang magkaibigang Allan at Neal. Silence means yes, ’di ba Ateng Maricris?
Anyway, nakakain na rin kaya si Kris Aquino sa nasabing restaurant na paborito ng kuya Noy niya na ang madalas daw na orderin ay ang mga Siao Long Pao, Ha Kaw, Sio Mai, Shrimp Rice Roll, Beancard Roll, Steamed Lapu-Lapu, Rock Lobster Superior Sauce with Noodle, Salted Egg Crab, at Steamed Live Suahe na ipinatikim naman din sa amin, ang sarap, grabe at hindi oily.
Hindi lang daw si PNoy ang madalas kumain sa restaurant kundi marami ring ibang artista pero hindi na binanggit sa amin kung sino-sino dahil baka mawalan na ng privacy.
Sayang nga at wala si Edu sa lunch treat nina Neal at Allan para sana nakumusta rin siya at kung may sarili siyang menu na nai-contribute sa menu.
Anyway, going smooth daw ang partnership nilang magkakaibigan dahil maayos ang kanilang samahan.
At bukod sa pagiging partner nila sa negosyo si Edu ay, “ka-badminton pa nga namin, magba-badminton kami mamaya. At saka, I think, if you share the same passion about what you want to get into, and then, hindi ka tuso, hindi ka naman lalamang, I think, walang problema,” kuwento ni Allan.
Murang-mura lang sa Lucky Rainbow Hong Kong Seafood Restaurant at may malaking discounts sila sa lahat ng dimsum na umaabot sa 30%.
FACT SHEET – Reggee Bonoan