MAGANDA ang resulta ng kampanya ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte kontra droga. Kung tutuusin, kumonti na talaga ang mga adik sa mga komunidad at ang mga drug pusher naman na nagtatangkang lumaban ay ‘pinatahimik’ na.
Bagama’t patuloy ang kampanya ng Philippine National Police sa ipinagbabawal na gamot, masasabing may shabu pa rin sa kalsada na nabibili ng mga adik. Tama, sa malao’t madali, matotokhang din sila at tuluyang makakalaboso.
Pero mukhang nakakalimutan ng PNP ang mga tricycle at truck drivers. Hanggang ngayon malaya pa rin silang nakabibili ng droga sa kani-kanilang mga source.
Dapat sigurong unahin ng PNP na magsagawa ng drug testing sa mga nasabing driver para matukoy kung sino-sino sa kanila ang mga adik at may konek sa mga pusher, at tuluyang makulong.
Sa ilang mga komunidad patuloy na naghahari ang mga tricycle driver, kahit dis-oras ng gabi, patuloy na namamasada kahit wala namang mga pasahero. Ang truck drivers naman, marami sa kanila mga nandidilat ang mga mata kahit wala pang tulog sa magdamagang pagbibiyahe.
Kailangang putulin na ang bisyo ng mga adik at mabuting aksiyonan ni PNP Chief Director Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa ang mga salot na tricycle at truck driver.
Kailangang pulungin ang lahat ng may-ari ng truck ganoon din ang mga asosasyon ng tricycle at gawin ang mandatory drug testing sa hanay nila.