NAGING positibo pa rin ang resulta nang pagharap ni Ronnie Dayan kaya pinauwi na siya makaraan ma-cite ng contempt.
Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, kamakalawa ng gabi ay bumiyahe si Dayan, kasama ang mga bantay patungo sa Pangasinan.
“Kaya binibigyan natin ng pagkakataon para mahimasmasan,” wika ni Lacson.
May mga bago rin daw silang natuklasan sa testimonya ng dating driver ni Sen. Leila de Lima, kahit tila bitin pa rin sa ibang detalye.
Kabilang na rito ang pagtanggap ng pera kina dating National Bureau of Investigation Deputy Director Rafael Ragos at dating Bureau of Corrections (BuCor) Director Franklin Bucayu na hindi dati binanggit sa Kamara.
“Ngayon may nadagdag sa inamin niya, na kay Ragos, naroon siya, nang nagdala ng pera si Ragos, P5 milyon. Sabi niya di dumaan sa kanya. Pero statement ni Ragos at Ablen, sa kanya inabot at inabot niya kay Sen LDL. Ang ‘di malinaw sa Bilibid inmates dahil completely sabi niya di niya kilala wala siyang natanggap na pera. Pero kay Dir Bucayu sinabi niya may natanggap siya although minimal ang amount,” dagdag ni Lacson.
Tiniyak ni Dayan na maglalahad siya ng mga bagong impormasyon sa susunod na pagdinig.
Sa kasalukuyan ay wala pang schedule ng susunod na pagdinig ang Senate committee on public order and dangerous drugs.