KAKAIBA talaga ang galing ng singer/composer na si Marion Aunor. Napanood namin siya sa second leg ng kanyang bar tour na pinamagatang Marion, A Bar Concert Tour ng Foxy Production. Ginanap ito last December 1 sa Historia Bar at talagang ibang mag-live show ang panganay na anak ni Ms. Lala Aunor. Base sa aming obserbasyon, mas gamay at kapa na ni Marion ang stage kapag nagpe-perform, lalo na kung live band ang kanyang kasama.
Ang katotong si Ambet Nabus ang nagbukas ng show bilang emcee/singer and as usual, hindi lang sa tsikahan at intriga magaling si Ambet, kundi maging sa kantahan man.
Kung magaling si Marion, hindi naman nagpahuli si Ashley sa kanyang mga Beatles at rock songs. Napabilib din kami ng bunso ni Ms. Lala dahil naggigitara siya at nagha-harmonica, habang nagpe-perform. Ganito ka-talented ang pamilya ni Ms. Lala. Actually, si Ashley, tulad din ni Marion ay nagko-compose rin ng mga kanta at noong bata pa lang ay nagkaroon na ng sariling album.
Nag-enjoy kami nang sobra pati na ang mga audience sa number nina Marion at Ashley na tipong jazz version ng dating hit song ni Ms. Lala na Ah Ewan at Dalaginding na rock version naman ang porma dahil ang intro nito ay Stairway To Heaven ng legendary rock band na Led Zeppelin. Super-kuwela at click sa audience ang naturang number. Kaya dapat saluduhan ang nakaisip ng production number na ito.
Anyway, bukod sa galing ng mag-utol na sina Marion at Ashley, guest din dito sina Michael Pangilinan, Zion Aquino, Kiel Alo, at Ambet nga. As usual, kitang-kitang gamay na nina Marion at Michael ang isa’t isa nang mag-duet sila via Just Give Me A Reason. Impressive rin ang duet nina Marion at Zion. Plus, first time naming narinig ang boses ng isa pang talent ni Katotong Jobert Sucaldito na si Kiel at pinabilib rin niya kami sa kanyang galing.
After ng show ay nakahuntahan namin sandali si Marion at inusia namin kung ano ang masasabi niya sa kanyang katatapos na show sa Historia. “I’m very happy na full house ulit siya, just like the last time. So sana ay tuloy-tuloy lang ang suporta ng fans,” saad niya.
Nalaman din namin na dalawang kanta ang bagong gawa ni Marion, ang Lantern para kay Sharon Cuneta at ang isang para kay Jonalyn Viray (Last Message) naman. Nabanggit ni Marion na sobrang saya niya na gawan ng kanta si Jona at ang Megastar.
“Isang milestone talaga kapag nabigyan mo ng kanta ang isang icon ng music industry, tulad ni Ms. Sharon Cuneta,” pakli ni Marion.
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio