ISANG milyonarya na nakapag-asawa ng Negro sa Amerika ang financier ng mga malawakang kilos-protesta para patalsikin si Pangulong Rodrigo Duterte na ilulunsad sa susunod na taon.
“Let us see kasi meron — next year a certain financier, mayaman na babae who married a black and is now a millionaire and she is planning to do massive demonstration,” ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang talumpati sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) Regional Convention sa Manila Hotel kamakalawa ng gabi.
Bagama’t hindi tinukoy ng Pangulo ay umugong sa intelligence community ang pangalan ni Loida Nicolas Lewis, biyuda ni Richard Lewis ang pinakamayamang African-American businessman noong dekada ’80, at pangunahing nangampanya para kay Liberal Party standard bearer Mar Roxas noong nakaraang presidential elections.
“If you think that you can help, sabihin mo sa akin because I will appoint you a group of presidential advisers with a Cabinet position or without a portfolio but with the rank of a Cabinet. And I will follow your instruction to a tee,” mensahe ng Pangulo sa kanyang destabilizer.
Hinamon ng Pangulo ang mga bilib sa Amerika na lumahok sa ikinakasang demonstrasyon laban sa kanya at hinimok pa sila na huwag nang mang-engganyo ng militar para maglunsad ng kudeta dahil kusa niyang lilisanin ang puwesto.
“All those who are of this western persuasion. Kung bilib kayo sa America, kung tingin ninyo nagkautang kayo ng loob, please join. And hindi na kailangan magkudeta-kudeta. Ibigay ko siya. I myself will swear you sa Malacañang. That these are the new rulers of the Republic and they will run the country, fine. Wala man tayong problema,” anang Pangulo.
“Yung ayaw sa akin, madali ‘yan. And if the military or the police thinks that I do not…no need for coup d’etat. God, you are wasting your bullet. Go to Malacañan, we’ll have coffee and I myself will swear you to run this Republic and solve the problem. Walang problema,” sabi ng Pangulo.
Matatandaan na umani ng batikos sa iba’t ibang bansa , partikular sa US at European Union, ang paglaki ng bilang ng mga napapatay mula nang ilunsad ang drug war ng administrasyong Duterte.
Pero naninindigan ang Pangulo sa prinsipyong matira ang matibay at sa ilalim ng kanyang administrasyon ay dalawang bagay lang ang pagpipilian sa bansa kung ayaw sundin ang batas ay Biblia ang masusunod.
“Basta kami, survival of the fittest and because of my hard stand, if you do not want to follow the law, then follow the Bible,” giit niya.
Malinaw aniya ang batas na bawal ang pagbebenta ng illegal drugs kaya ang mga taong ayaw susuway ay kailangan harapin ang batas ng Biblia.
Si Lewis ay kapatid ni dating National Anti-Poverty Commission Chairperson Imelda Nicolas na sumali sa “Hyatt 10” o ang mga miyembro ng gabinete na kumalas kay noo’y Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong 2005 dahil sa “Hello Garci” scandal.
Humawak ng mga sensitibong posisyon sa administrasyong Aquino ang mayorya sa Hyatt 10 at si Imelda ay nagsilbing pinuno ng Commission on Filipinos Overseas.
( ROSE NOVENARIO )