ISANG solid performance na naman ang ipinamalas ng international award winning actor na si Allen Dizon sa latest movie niya titled Area na tinatampukan nila ni Ai Ai delas Alas.Proud na proud si Allen sa pelikula ng BG Productions International. Bukod kasi sa nanalo ito ng Special Jury Prize sa 12th Eurasia International Film Festival sa Kazakhstan, binigyan din ito ng Grade-A ng Cinema Evaluation Board (CEB).
“Sobrang proud ako na naging part ng pelikulang ito at naging part ako ng Team Area, kaya talagang nakakatuwa.
“Actually eversince, ang CEB naman kapag may mga maseselang eksena, mayroong sex scenes at frontal nudity, bihirang magbigay ng Grade-A. Pero itong pelikula naming Area ay nakakuha ng Grade-A. Kaya nakakatuwa, nakaka-proud at siguro ay iba ang nakita ng mga nasa Board ng CEB. Bilang part ako ng film, with Direk Louie at Ms. Ai, plus ng whole casts, siyempre ay maganda para sa amin iyon,” saad ni allen.
Showing na ang Area sa November 9 at ito ay nabigyan ng MTRCB rating na R-18, approved without cuts. Ito ay pinamahalaan ni Direk Louie Ignacio, tampok din dito sina Sue Prado, Sancho delas Alas, Sarah Pagcaliwagan, Tabs Sumulong, Ireen Cervantes, at iba pa.
Marami ang pumupuri sa galing sa Area nina Allen at Ai Ai. Kaya posibleng humakot na naman si Allen ng award dito.
Tulad ng nakaraang taon, si Allen ay nakatanggap na naman ng maraming blessings ngayong 2016. Kabilang sa mga naging pelikula niya ang ng EDSA, Lando at Bugoy para sa Cinemalaya, Iadya Mo Kami at ang Area. First time rin siya nagka-entry sa Cinema One Originals this year, yung Malinak ‘Ya Labi kasama si Angeline Quinto. This year ay nanalo rin si Allen bilang Best Actor sa Ireland sa 4th Silk Road International Film Festival at sa at Italy sa 13th Salento International Film Festival para sa pelikula ni Direk Mel Chionglo na Iadya Mo Kami mula pa rin sa movie company ng Queen of Indie na si Ms. Baby Go.
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio