WALANG tatatanggihang tulong ang administrasyong Duterte mula sa ibang bansa para sa mga biktima ng kalamidad ngunit kailangang walang kondisyon na kaakibat.
Ito ang nilinaw ni Social Welfare Secretary Judy Taguiwalo kahapon kaugnay sa naging viral sa social media na komento niya na hindi nanghihingi ng foreign aid ang Filipinas para mga naging pinsala ng mga bagyong Karen at Lawin dahil nakitang may sapat na pondo ang gobyerno para saklolohan ang mga taong apektado.
“Pasensiya na kung ang dating ng komento na iyon ay kaya na natin ito, hindi na natin kailangan ang foreign aid. Ang paglilinaw ho na ginagawa ko ngayon ay nakayanan natin, nitong nakaraan ‘no bago dumating at pagdating ng Karen at ng Lawin ang pagtulong, ang maagap na pagtulong sa ating mamamayan,” aniya.
Patuloy aniya ang ginagawang assessment ng pamahalaan para mabatid ang lawak ng pinsala at magkano ang kailangang pondo para tustusan ito.
“So ang tingin ko magkakaroon kami ng assessment bilang National Disaster Risk and Reduction Management Council at talagang magkaisa, gaano ba kalawak ang damage. Anong kailangang pinansiya para dito. Alamin din sino ang mga nag-offer ng tulong. At sa tingin ko handa tayong tanggapin ang tulong na ito batay sa ating pangangailanganan at batay sa walang kondisyon. Ibig sabihin, bukal na loob na tulong ng mga mamayan, ng mga organisasyon ng mga pamahalaan sa ibang bansa para tulungan tayong bumangon.,” paliwanag niya.
Nagpapasalamat aniya ang pamahalaan sa mga kaibigan, mga individual, organisasyon at ibang bayan na nagpa-abot na handa silang tumulong.
( ROSE NOVENARIO )