Thursday , December 26 2024

Paalam Amerika hello China

PINUTOL na ni Pres. Rodrigo Duterte ang ugnayan natin sa Amerika at sinabing panahon na para magpaalam sa bansa ni Pres. Barack Obama.

Ang makasaysayang desisyon ni Duterte na paglayo sa US ay kanyang ipinahayag sa talumpati sa harap ng Filipino community sa kanyang pagbisita sa China, bilang tanda ng kanyang pakikipaglapit at paghingi ng tulong sa mga Intsik.

Ayon sa Pangulo, maliit lang daw ang naging kabutihan para sa Filipinas sa matagal na pakikipag-ugnayan sa Amerika at ang higit na nakinabang dito ay US.

Hindi na raw siya pupunta sa Amerika dahil maiinsulto lang siya roon, at muling tinawag ang presidente ng Amerika na “anak p_ _ _.” Puno na raw si Duterte sa sitwasyon na ang kanluran ang nagdidikta ng pakikipag-ugnayan natin sa ibang mga bansa. Ito raw ang dahilan kaya hindi tayo naging malapit sa China at babaguhin niya ito.

Dito sa ating bansa ay marami ang nagulat sa ginawa ni Duterte. Sa totoo lang, lumabas sa survey kamakailan na karamihan sa mga Filipino ay mas tiwala sa Amerika kaysa China.

Bakit nga hindi? Ipinakita ng China ang kawalan nila ng respeto sa atin at pagiging buwaya sa kapangyarihan nang simulan nilang kamkamin ang mga teritoryo natin sa West Philippine Sea.

Mantakin ninyong gumawa pa sila ng mga artipisyal na isla at ipinalalabas na sila ang may-ari ng mga bahagi ng karagatan na pasok sa ating teritoryo.

Hindi ko na mabilang kung ilang ulit na nating binanatan sa kolum ang kagaguhan at kasuwapangan ng China at kawalanghiyaan na ginawa nila sa atin.

Ang ginawa ng kasalukuyang Pangulo ay kabaligtaran kay dating Pres. Noynoy Aquino na inireklamo ang China sa international tribunal dahil sa pang-aagaw ng teritoryo, at naipanalo naman ang kaso sa panahon ni Duterte. Ikinagalit ito ng China pero kahit pumanig sa atin ang desisyon, ay wala namang ginawa si Duterte para aksiyonan ito.

Masakit sa mga Filipino ang desisyong pakikipaghiwalay sa US, lalo na sa mga natulungan at nailigtas ng mga kawal ng Amerika sa mga panahon ng trahedya tulad ng malalakas na bagyo. Bukod diyan ay isa rin sa mga nangungunang bansa ang Amerika sa paghahandog ng tulong pinansiyal kapag may nangyari ritong kalamidad.

Matagal na nating kakampi ang US at may umiiral na tratado na nagsasabing magtutulungan ang Filipinas at Amerika sakali mang masangkot sa gulo o may sumakop sa alin man sa dalawang bansa. Marahil ay sawa na si Duterte sa pakikialam ng Amerika sa takbo ng ating bansa, na dati na nilang ginagawa nang palihim at lingid sa kaalaman ng publiko.

Kahit hindi tayo payag na makipagkasundo sa damuhong China at hindi tiwala sa mga Intsik, alalahanin na si Duterte ang ating pangulo. Bilang at ama ng bansa, mga mare at pare ko, obligasyon natin na pagtiwalan, igalang at sundin ang kanyang desisyon dahil siya ang nakababatid kung ano ang tamang direksiyon na ating tatahakin tungo sa kabutihan at kaunlaran ng Filipinas.

Tandaan!

BULL’S EYE

Ruther D. Batuigas

About Ruther D. Batuigas

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *