SINADYA ang madugong pagbuwag sa rally sa harap ng US Embassy upang lalong sirain ang imahe ng administrasyong Duterte sa mata ng buong mundo habang nasa state visit sa China ang Punong Ehekutibo.
Ito ang initial assessment ng source sa intelligence community makaraan ang marahas na dispersal ng Manila Police District (MPD) sa kilos-suporta ng Moro at indigenous people sa independent foreign policy ni Pangulong Rodrigo Duterte, kamakalawa.
Aniya, nais hiyain ng mga nagpakana ng madugong dispersal ang Pangulo sa international community para susugan ang black propaganda na pinapakawalan ng mga ‘dilawan’ sa international media na ‘murderer’ o ‘human rights violator’ si Pangulong Duterte.
Itinaon din aniya ang pananabotahe sa administrasyon sa pagdiriwang ng Indigenous People’s month ngayong Oktubre.
Giit ng source, malaki ang posibilidad na nakipagsabwatan ang ilang utak-pulbura sa pulisya sa sindikato ng ‘ninja cops’ para buweltahan ang Pangulo dahil nabulabog ang hanapbuhay nilang pagre-recycle ng nakompiskang shabu sa drug war na isinusulong ni Pangulong Duterte.
Maaari rin aniya na gusto ng mga nagpakana ng madugong dispersal na maunsyaming muli ang peace talks ng kilusang komunista at gobyerno.
( ROSE NOVENARIO )