WALANG nakapagtataka o nakamamangha sa resulta ng survey na ginawa ng Pulse Asia na ang usapin sa pagtataas ng sahod, trabaho at mababang presyo ng bilihin ay pangunahing prayoridad sa kasalukuyan ng taongbayan.
Higit na nakapagdududa ang timing ng survey ng Pulse Asia. Ipinakikita sa ginawang survey noong 25 Setyembre hanggang 1 Oktubre, na huli raw sa prayoridad ng taongbayan ang pagsugpo sa krimen.
Matatawag ang survey ng Pulse Asia na isang spin o paikot dahil sa mga nakalipas na administrasyon at kahit pa sa susunod na mga administrasyon, ang usapin sa pagtataas ng sahod, trabaho at mababang presyo ng bilihin ang laging susulpot na siyang pangunahing prayoridad ng bawat pamilyang Filipino.
Malinaw na ang survey ng Pulse Asia ay pag-atake sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte. Nais nilang ipakita at ipamukha na mali ang prayoridad ni Duterte na unahin ang kampanya kontra droga sanhi ng maraming krimen sa bansa, at sa halip dapat pagtuunan ng pansin ang usaping pang-ekonomiya.
Ang hindi alam ng Pulse Asia na ang sinabing pagtataas ng sahod, trabaho at mababang presyo ng bilihin ay makakamit lamang kung kaakibat nito ay may kapayapaan sa isang pamayanan. Kung laganap ang krimen, ang pag-unlad ng ekonomiya ay mananatiling pangarap lamang.
At hindi maaaring sabihin ng Pulse Asia na naging parehas sila sa kanilang survey dahil madalas ay nakukuha nila ang kanilang gustong resulta base na rin sa kung ano ang kanilang itatanong sa mga respondent.
Halatang anti-Duterte ang Pulse Asia, at maituturing na basura ang kanilang survey.