KUNG tutuusin, ang relihiyon ay hindi dapat nakikialam sa gawaing pampolitika ng isang demokratikong bansa. Ang relihiyon, partikular ang Simbahan Katolika ay dapat nakatuon ang pansin sa pagpapalaganap ng Salita ng Diyos.
Pero taliwas ito ngayon sa gawi na ipinakikita ng Simbahang Katolika. Sa halip na ipalaganap ang Mabuting Balita, ang mga pari at kanilang mga alagad ay abala sa pakikialam sa politika ng kasalukyang pamahalaan.
Sa kanilang mga aktuwasyon at pahayag, lumalabas na walang ipinagkaiba ang mga nabanggit na pari sa mga politiko na kadalasan ay nagpapaligsahan ng talino sa harap ng telebisyon, radyo at diyaryo.
Nakasusulasok na ang mga pari na nag-aanyong alagad ng Diyos pero kung tutuusin ay parang mga nananahan na rin sa Kamara at Senado. Sa halip na ipalaganap ang Salita ng Diyos, ang pakikipagbangayan sa usaping pangbayan ang kanilang inaatupag.
Bakit hindi pagtuunan ng pansin ng Simbahang Katolika ang paglilinis sa kanilang hanay tulad ng mga paring rapist, sugarol, babaero, lasenggo, corrupt at kung minsan ay gumagamit din ng ipinagbabawal na gamot.
Hindi ba’t kaya maraming debotong Katoliko ang naglisanan mula sa kani-kanilang paroko ay dahil sa mga maling gawi at patakaran na ipinatutupad ng Simbahan?
Kung nasabi man ng henyong si Karl Marx na ang “relihiyon ay opium ng mahihirap,” higit na angkop na sabihin ngayon na ang “Simbahang Katolika ay shabu ng masang Filipino.”