MIDSAYAP, North Cotabato – Isang malakas na uri ng improvised explosive device (IED) ang iniwan sa harap ng isang peryahan dakong 7:45 pm kamakalawa sa probinsya ng Cotabato.
Ayon kay Supt. Bernard Tayong, tagapagsalita ng Cotabato Police Provincial Office, nakita ng mga sibilyan ang isang plastic cellophane sa gilid ng national highway sa harap ng isang peryahan sa Purok Sampaguita, Brgy. Poblacion 8, Midsayap, North Cotabato.
Agad itong inusisa ng mga barangay official at mga barangay tanod at tumambad sa kanila ang malakas na uri ng bomba na laman ng iniwan na plastic cellophane.
Mabilis na nagresponde ang mga tauhan ng Midsayap-Philippine National Police (PNP) sa pangunguna ni Senior Inspector Realan Mamon at 3rd Explosive Ordnance Disposal (EOD) Team ng Philippine Army.
Kusang pinasabog ng EOD Team ang bomba na gawa sa bala ng 57 mm warhead, 9 volts battery, wirings, blasting cup at cellphone bilang triggering mechanism.
Sinabi ni PO1 John Adolf Malifigar ng Midsayap-PNP, command detonated ang bomba at ilang beses nang tinawagan ang nakakabit na cellphone sa IED ngunit nag-malfunction kaya hindi sumabog.
Marami ang naniniwala na posibleng kagagawan ng mga teroristang grupo ang iniwang bomba sa harap ng peryahan sa bayan ng Midsayap.
Hinigpitan pa ng pulisya at militar ang seguridad sa Cotabato dahil sa natagpuang bomba sa Midsayap.