MAS ganadong magtrabaho si Pangulong Rodrigo Duterte sa resulta nang pinakahuling Social Weather Stations (SWS) survey na nabawasan ang bilang ng mga Filipino na nagugutom.
Ayon kay Communications Secretary Martin Andanar, magsisilbing inspirasyon ito sa Pangulong Duterte para malabanan ang kahirapan sa bansa.
Sinabi ni Andanar, sa nakalipas na 100 araw na panunungkulan ng Pangulo sa Palasyo ay tinutukan niya ang pagpapalago ng ekonomiya sa sampung pinakamahihirap na probinsiya sa Filipinas.
Dagdag ni Andanar, pinatitiyak ng Pangulo na mapreserba ang prime agricultural lands para masiguro na mayroong food security ang bansa.
Batay sa pinakahuling SWS survey, nasa 42 % o 9.4 milyong Filipino na lamang ang nagsabi na sila ay nakararanas ng pagkagutom.
Mas mababa ito sa 45 % o 10.2 milyong Filipino na naitala na nakaranas ng pagkagutom noong Hunyo 2016.
( ROSE NOVENARIO )