GONE but will never be forgotten. You asked for it! Kaya sa Sabado, October 8, 2016 muling ipalalabas ng MMK (Maalaala Mo Kaya) ang biographical story ng pumanaw na minamahal na Senadora ng bansa na si Miriam Defensor-Santiago sa ganap na 8:15 p.m. sa Kapamilya.
Marami na pala ang nag-antabay sa muling pagpapalabas tungkol sa buhay ng Senadora na mula sa direksiyon ni Lino Cayetano na isinulat ni Arlene Tamayo.
Tampok sa mga nagsiganap sina Miles Ocampo, Maja Salvador, Julia Clarete, Tessie Tomas, Jean Garcia, Tommy Abuel, Dominic Ochoa, Cris Villanueva, John Blair, Joshua Dionisio, Miko Palanca, Gloria Sevilla, Marita Zobel, at Diego Malvar.
Mismong si Senator Miriam ang nag-narrate ng kanyang buhay sa nasabing biographical special. Kung paano niyang pinalawak ang kanyang talino hanggang sa tumakbo sa 1992 Presidential Elections at sa pagkawala ng kanyang minamahal na anak.
Nakatatak na sa yumaong Senador hanggang sa huling sandali ng buhay niya ang adhikaing to be of service to the Filipino people.
Ito ang isang sagot sa kahilingan ng pamilya ng butihing Senador na huwag kalimutan ang kanyang magandang naibahagi sa buhay ng bawat isa sa atin. Ang pampasayang hugot lines sa kanyang mga aklat. At kung paano siya lumaban lalo na sa mga kurakot ng bayan!
( Pilar Mateo )