NAGPAABOT nang personal na pakikiramay si Pangulong Rodrigo Duterte sa naulilang pamilya ng “Iron Lady of Asia” na si dating Sen. Miriam Defensor-Santiago.
Kahit sa pagpanaw ni Santiago ay hindi nagbago ang paggalang at pagtingala ni Pangulong Duterte sa Senadora.
Sa pahayag ng Pangulo habang nasa official visit sa Vietnam, sinabi niya na nag-iwan nang maningning na karera sa serbisyo publiko ang dating mambabatas.
Mananatili aniya ang kanyang pagkakakilala kay Santiago bilang graftbuster ng bansa na ginagawang almusal ang mga banta sa buhay dahil sa paglaban sa katiwalian.
Nagpahayag nang matinding kalungkutan ang Pangulo sa pagpanaw ni Santiago ngunit umaasa siya na patuloy na maging gabay ng bansa ang iniwang pamana o legacy ng mambabatas.
Magugunitang sinabi ni Duterte kay Santiago sa huling presidential debate sa Dagupan City noong Abril 24 ang mga katagang “you will live for a thousand years”.
( ROSE NOVENARIO )