NAKAPANAYAM ng ilang entertainment press si Presidential Communication Officer Secretary (PCO) Martin Andanar at nalaman na may budget na P1.4-B ang PTV4, Radyo ng Bayan, PIA, at NPO na aprubado na.
Ikinuwento ni Sec. Andanar na palalakasin ng gobyerno at ng PCO ang state owned TV network na PTV-4/NBN-4 pati na rin ang radio station nitong Radyo ng Bayan at Philippine Information Agency (PIA).
Sabi ng press secretary ng Duterte administration, “mabigat po na responsibilidad dahil kung ano po ang sasabihin namin ay ‘yun po ang susundin ng bayan.
“At kung paano po kami magpapaliwanag, doon po kukunin ng mamamayan ang mga bagay-bagay na hindi klaro sa kanila lalong-lalo na po pagdating sa polisiya ng gobyerno.
“Number two, siyempre tayo po ay taong-gobyerno na at pinasasahod po tayo ng taumbayan gamit ang buwis ng bayan, so, kung gaano po tayo kaingat noong tayo ay nasa pribadong sector ay mas maingat po tayo ngayon dahil dugo at pawis ng bawat mamamayan ang nagpapasuweldo sa amin,” paliwanag ni Mr. Martin.
Nasabi pang 24/7 daw ang kanyang trabaho bilang secretary at laging on-call.
Television and radio complex, itatayo rin sa DavaoBukod sa Metro Manila na palalakasin ang PTV4 ay ganito rin ang gagawin sa mga probinsiya at gagawin na ring digital.
“Magtatayo rin po ng isang magandang television and radio complex sa Davao,” aniya.
“Para ito po ang magiging sentro o komunikasyon ng buong Mindanao. Then eventually, ‘yung pagpapaganda ng komunikasyon sa Cebu, sa Visayas na kailangang mayroon tayong broadcast hub ng radyo at telebisyon sa Visayas.”
Ang Radyo ng Bayan ay palalawakin din at ang goal nila, mula sa mahigit 30 stations ay gagawing 57 stations nationwide in three years’ time.
Kasama rin ang PIA at lalagyan ang mga probinsiyang wala nito kabilang na ang Jolo, Sulu.
Kasama na rin sa plano na pagandahin ang PNA (Philipppine News Agency) at National Printing Office (NPO). Kailangan daw bilhan ng bagong gamit at i-revitalize talaga ang mga naturang ahensiya.
“Maraming pagbabagong dapat gawin at ako po’y nagagalak na sabihin sa inyo na bukod doon sa dating budget na inihanda ni dating Secretary Sonny Coloma ay naipapasa po natin sa kongreso rin ‘yung ating supplemental budget na P1.4-B for next year,” sabi pa ni secretary Andanar.
ni REGGEE BONOAN