MAY go signal ng administrasyong Aquino ang paglaganap ng bentahan ng shabu sa New Bilibid Prison (NBP) batay sa pag-amin ni dating justice secretary Leila De Lima na “government asset” si convicted kidnapper Jaybee Sebastian na inginuso bilang utak ng illegal drugs trade sa pambansang piitan.
Ito ang nabatid sa isang abogado na opisyal ng gobyernong Duterte na tumangging magpabanggit ng pangalan.
Aniya, may dapat panagutan ang nagdaang administrasyon kung pagbabasehan ang pag-amin nina Magdalo partylist Rep. Gary Alejano at Sen. Leila de Lima na “government asset” si Sebastian.
Giit niya, kahit pa halimbawang totoo na ”government asset” si Sebastian ay labag sa batas ang pag-utos niya sa mga kapwa NBP gang leaders na magbenta ng shabu para maging campaign funds ni De Lima noong 2016 elections.
Bilang convicted criminal ay suspendido na ang civil rights ni Sebastian kaya hindi siya puwedeng pumasok sa ano mang kasunduan o transaksiyon sa gobyerno.
Si Sebastian, Sigue-Sigue Commando commander at chairman ng Presidyo Side ng NBP, ang itinuro ng mga testigo sa pagdinig sa House Committee on Justice na kumolekta ng drug money para sa 2016 campaign funds ni De Lima.
Ayon sa source, ang NBP ay isang reformatory o correctional institution at ang bilanggo ay dapat na isailalim sa mga proseso para siya’y magbago at hindi lalong malulong sa ilegal na aktibidad, lalo ang pagbebenta ng shabu.
Matatandaan, noong Disyembre 2014, maging si NBP chaplain Msgr. Roberto Olaguer ay nagpahayag nang pagkabahala kung bakit hindi isinama ni De Lima ang kubol ni Sebastian sa mga sinalakay ng mga awtoridad.
“Yung carcel side, ito laging napupuntirya, ito ‘yung lugar nila (Herbert) Colangco… ito ‘yung ni-raid; ‘yung side ng presidio na nandoon si JB (Sebastian), ang tanong ng mga tao bakit hindi pinuntahan ‘yan?” ani Olaguer.
Makaraan ang raid sa NBP, kahit walang court order ay inilipat ni De Lima ang 20 high-profile inmates sa NBI ngunit si Sebastian ay nanatili sa pambansang piitan.
( ROSE NOVENARIO )
SEBASTIAN ASSET NG GOV’T — DE LIMA
INAMIN ni Senator Leila de Lima, ‘asset’ ng Department of Justice (DOJ) noong panahon niya ang convicted drug lord na si Jaybee Sebastian.
Ginwa aniya nilang asset si Sebastian sa nakalipas na administrasyon para manmanan ang kalakaran ng ilegal na droga sa loob ng New Bilibid Prison.
Ito na rin aniya ang dahilan kung bakit hindi napasama sa Bilibid 19 si Sebastian, at hindi dahil sa protektado o kumokolekta siya ng pera para sa senadora.