TINIYAK ni Pangulong Rodrigo Duterte, hindi magaganap sa kanyang panahon ang pinangangambahang anarkiya ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Una rito, sinabi ni Chief Justice Sereno, nakababahala ang mga pagpatay at pag-aresto sa suspected drug personalities nang walang warrant of arrest at hindi nasusunod ang due process na maaaring mauwi sa anarkiya.
Sinabi ni Pangulong Duterte, walang dapat ikabaha ang punong mahistrado dahil hindi siya papayagan ng militar at pulisya na pairalin ang anarkiya o estado na walang kaayusan at walang umiiral na awtoridad.
Kasabay nito, iginiit ni Pangulong Duterte na si Sereno ang lumilikha nang kinakatakutan niyang anarkiya sa kanyang pahayag na hindi dapat mag-aresto nang walang warrant of arrest.
Ayon kay Pangulong Duterte, magkakaroon lamang ng lakas ng loob ang mga kriminal kahit may dalang baril at shabu dahil hindi sila maaaring arestohin kung walang warrant of arrest gaya nang iginigiit ni Sereno.
Ngunit taliwas sa una nilang sagutan, buong galang ang naging pahayag at pagkontra ng pangulo kay Chief Justice Sereno.
Nag-ugat ang pinakabagong reaksiyon ni Duterte sa naging mensahe kamakalawa ni Sereno na mahalaga ang tungkulin ng hudikatura na pigilan ang pagbagsak ng bansa sa anarkiya dahil sa nagaganap na patayan at pag-aresto sa suspected drug pushers kahit walang kaukulang proseso.