TUGUEGARAO CITY, CAGAYAN – Nagbabala ang National Bureau of Investigation (NBI) Region II sa mga naghahanap ng trabaho na mag-ingat sa mga illegal recruiter.
Ang babala ng ahensiya ay kasunod nang pagpanggap ng isang Jethro Mendez bilang incoming Assistant Regional Director ng Department of labor and employment (DoLE) Region II.
Sinabi ni Ronald Guinto ng NBI Region II, sa mga job hunter, dapat alamin at busisiin muna nila kung legal ang trabahong iniaalok sa kanila.
Aniya, dapat malaman ng lahat na kung government agency ang inaaplayang trabaho ay hindi kailangan ng transaksiyon sa labas dahil sa opisina lamang sila tumatanggap ng aplikante.
Bunsod nito, pinaalalahanan ni Guinto ang lahat na mag-ingat at huwag basta-basta maniniwala sa mga taong nag-aalok ng ano mang klase ng trabaho.
Una nang nagbabala ang DoLE Region II makaraan magtungo ang ilang aplikante sa kanilang tanggapan para pumirma ng kontrata at ayon sa kanila ay pinangakuan sila ni Mendez ng trabaho kapalit ng perang naibigay ng mga biktima.