BUMUWELTA si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang mga kritiko kaugnay sa dumaraming napapatay sa pinaigting na kampanya laban sa illegal na droga.
Ayon sa pangulo, hindi maaaring isisi sa kanya ang lahat ng mga namamatay pati ang biktima ng summary executions.
Kung lehitimo ang operasyon ng mga awtoridad at lumaban ang mga drug addict, sagot niya ito at kanyang responsibilidad.
Aniya, inatasan niya ang PNP na ipadala sa kanya ang spot reports at kanya itong inaaral gabi-gabi upang depensahan ang mga awtoridad.
Kasabay nito, mariing tinuligsa ng Pangulong Duterte si Sen. Leila De Lima, United Nations rapporteur at human right groups kung bakit isinisisi sa kanya ang nakikitang mga biktima ng salvaging tulad ng mga taong narerekober na nakabalot sa mga sako.
Diretsahang tinawag ng chief executive ang kanyang mga kritiko bilang mga ‘stupid’ at sinabayan nang pagmumura.
Umaalma ang Pangulong Duterte kung bakit meron agad “assumption” na ibinubunton ang sisi sa kanya.
Binigyang-diin ng pangulo, kung may patayan, kabilang sa maaaring dahilan ay sila sila rin na sangkot sa illegal drug trade ang may kagagawan.
Aniya, hinahayaan nila itong mangyari at saka na papasok ang pulisya.
Kung tutuusin aniya halos dalawang pulis o militar ang nalalagas sa kanyang mga tauhan araw-araw dahil sa kampanya laban sa illegal na droga.
Kung maaalala, nito lamang nakalipas na araw ay nagsabi ang CHR chairman sa Senate committee hearing sa isyu ng extrajudicial killings, na maaaring makialam ang UN sa isang bansa lalo na kung inutil na sa paghanap ng solusyon sa mga patayang nagaganap.
Ngunit hinamon ni Pangulong Duterte ang UN na pumunta sa Filipinas at resolbahin ang problema sa tatlong milyong mga adik sa bansa at mahigit sa 600,000 sumuko.
Ito aniya ay hindi biro-birong problema na ang biktima ay kinabukasan ng Filipinas.
Ang mga pahayag ng presidente ay kanyang ginawa kahapon ng madaling araw sa isang press conference sa Davao City.