MEDIA ang gagamiting armas ng gobyernong Duterte upang labanan ang terorismo sa Mindanao at palaganapin ang mga programa ng pamahalaan sa iba’t ibang rehiyon.
Sa ginanap na Manila Bay Kapihan forum sa Café Adriatico sa Malate, Manila kahapon, sinabi ni Communications Secretary Martin Andanar, palalakasin ng Presidential Communications Office (PCO) ang lahat ng sangay ng state media sa lahat ng lalawigan ng bansa.
Paliwanag niya, kailangan maunawaan ng mga taga-probinsiya, lalo sa Mindanao, ang kahalagahan ng isinusulong na prosesong pangkapayapaan ng pamahalaan ang rebeldeng Moro at kilusang komunista.
Bubuhayin aniya ng PCO ang operasyon ng People’s Television-4 sa Jolo, Sulu na sarado mula pa noong administrasyong Cory Aquino.
“Paano malalaman ng mga taga-Sulu ang opisyal na paninindigan ng pamahalaan hinggil sa kaguluhan sa Mindanao kung walang impormasyong nakararating sa kanila?” ani Andanar.
Napapasok aniya ng “extremists” ang Jolo at nagsusumikap na makapag-recruit ng kanilang mga miyembro dahil sinasamantala ang kakulangan sa kaalaman ng mga residente roon.
Kailanman aniya ay hindi nagtatagumpay ang digmaan sa pamamagitan lang ng baril, bala at bomba, kailangan maipabatid sa mga mamamayan ang kahalagahan ng kapayapaan at pagtalikod sa terorimso.
Idinagdag niya na popondohan at palalakasin ng PCO ang Philippine News Agency (PNA) at Philippine Information Agency (PIA) para maging epektibong serbisyong pangkomunikasyon ng pamahalaan gaya ng Berdama, ang state media sa Malaysia.
( ROSE NOVENARIO )