IBINUNYAG ni PNP chief, Director General Ronald Dela Rosa, isang malaking sindikato ang nasa likod ng nagaganap na extrajudicial killings sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sinabi ni Dela Rosa, may ideya na ang PNP kung sino-sino ang nagpapatayan ngayon.
Pahayag ng PNP chief, magugulat na lamang ang publiko dahil kanila itong ibubunyag lalo na kapag nakita ang data na kanilang hawak.
Aniya, tukoy na nila ang grupo at mayroon na silang ginagawang hakbang ukol dito.
Ayon sa PNP chief, hindi nila binabalewala ang ulat ng nagaganap na extrajudicial killings kaya maaga silang naglunsad ng imbestigasyon para matukoy ang mga nasa likod nito.
Bagama’t malimit lumutang ang anggulo ng vigilante killings sa media, sinabi ni Dela Rosa, may natuklasan silang mas malaking syndicated effort para likidahin ang ilang drug personalities.
Tumanggi siyang tukuyin ang nasabing grupo dahil nagpapatuloy ang ginagawang follow-up operations ng PNP.
Pagtitiyak ng heneral, determinado ang pambansang pulisya na puksain ang problema sa ilegal na droga sa bansa.