SA gitna ng sinasabing negatibong pangitain sa tinaguriang ‘giyera sa droga’ ng Pangulong Rodrigo Duterte, nagpahayag ng positibong pananaw ang business sector sa adhikain ng pamahalaang lutasin ang problema sa paglaganap ng bawal na gamot sa buong bansa.
Ayon kay Philippine Chamber of Commerce and Industry chairman Sergio Ortiz Luis, makabubuti ang aksiyong ginagawa ni Pangulong Duterte dahil lumilitaw na seryoso ang pamahalaan sa pagharap sa problemang kinakaharap ng bansa, partikular na sa kriminalidad.
“Kung bibigyan natin ng pansin ang mga bagay na makaaantala sa tagumpay ay makababalam ito sa pag-unlad ng ating ekonomiya. Maganda nga na nararamdaman ng mga investor na seryoso ang ating gobyerno at ang Pangulo na isaayos ang ating pamumuhay kaya huwag natin hayaang madiskaril ito,” punto ni Luis sa Tapatan sa Aristocrat media forum sa Malate, Maynila.
Tinugon ito ni presidential spokesman Ernesto Abella na sana’y bigyan ng oportunidad ang Pangulo na gawin ang nararapat para maisaayos ang bansa at maibalangkas ang tamang landas tungo sa kaunlaran.
“What the President wants is a comfortable life for us. He wants us to have a peaceful nation na may lasting peace,” ani Abella.
Binanggit din ng kalihim ang consistency ni Duterte sa pagnanais nitong iwasto ang lahat ng mga pagkakamali sa gobyerno na siyang dahilan kung bakit hindi umusad ang Filipinas sa nakalipas na ilang dekada.
“We shouldn’t judge the President by the manner of his speech. It is true that he has a complex personality but he has good intentions and is willing to sacrifice not for his personal interests but for the welfare of the nation,” aniya.
ni Tracy Cabrera