CAGAYAN DE ORO CITY – Binalaan ni Philippine National Police (PNP) chief, Director General Ronald “Bato” dela Rosa ang lahat ng mga pulis na itigil ang pagtanggap ng bribe money mula sa illegal gambling lords o operators sa bansa.
Ginawa ng PNP chief ang pahayag makaraan ibunyag na mismong siya ay tinangkang suhulan ng milyon-milyong halaga ng pera ng ilang Luzon-based illegal gambling lords.
Sinabi ni Dela Rosa, agad niyang ipinagbigay-alam kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pangyayari na aniya’y hinamon siya.
Inihayag aniya ni Duterte, iwasang tumanggap ng protection money dahil kapag ito ay nangyari, parang nakatali na ang kanilang mga kamay at hindi na makagagalaw upang labanan ang illegal gambling operation sa bansa.
Ito ang dahilan kaya binalaan niya ang lahat ng mga pulis na huwag magkamaling madala sa tukso upang hindi malagay sa alanganin ang kanilang propesyon.