YES, ibinalik na ng Regal Entertainment ang Mano Po franchise na taon-taon ay pinanonood namin dahil marami kaming natututuhan tungkol sa Chinese tradition at bukod doon, magaganda ang bawat kuwento na hindi alam ng marami.
Ang Mano Po 7 ay entry ng Regal Entertainment sa 2016 Metro Manila Film Festival na pagbibidahan nina Richard Yap, Jean Garcia, Jana Agoncillo, Janella Salvador, Enchong Dee at iba pa mula sa direksiyon ni Ian Lorenos na isang Chinoy.
Sino si direk Ian? Siya ang direktor ng mga pelikulang Saturday Night Chills nina Matteo Guidicelli, David Chua, at Rayver Cruz, Alagwa ni Jericho Rosales, at The Leaving na pinagbidahan nina LJ Reyes, LJ Moreno, at Acey Aguilar.
Sa ginanap na storycon ng Mano Po 7 ay nagustuhan namin ang power point presentation ni direk Ian dahil detalyado at ikinuwento niya ang magiging takbo ng shooting nito sa China at sa ibang tourist spots na kakailanganin sa kuwento.
Ipinaliwanag din ng direktor ang karakter ng bawat isa at binali niya ang kuwento ng mga nakaraang Mano Po movies dahil karamihan ay ang lalaki ang may other woman, pero sa Mano Po 7, ang babae ang may kalaguyo.
Sabi nina Mother Lily Monteverde at Roselle, si Richard ang kauna-unahang bidang lalaki sa franchise ng Mano Po dahil tugma sa papel niya bilang purong Chinese.
Si Richard ay si Wilson Tan na maganda ang buhay pero nabago ang takbo nang mamatay ng maaga ang kanyang amang bilyonaryo at siya na ang tumayong padre de pamilya.
Tanong namin kaagad sa aktor kung gaano kalapit ang papel niya bilang si Wilson Tan?
“Hindi naman in real-life, pero nakikita ko sa ibang Chinese families na may ganoon, so may background ako.
“Wala rin akong naranasan na ganoon tulad niyong unhappy childhood, pero may kaibigan akong naranasan ang ganoon at nakikita ko kung paano nangyayari talaga,” kuwento ng aktor sa amin.
Nabanggit ni Richard na crush niya pala si Jean Garcia noong kabataan nila.
Kaya tinanon namin kung hindi ba nagselos ang asawa niya at kung alam nito?”Sinabi ko na yata sa kanya noon. Hindi na nga siya sumama ngayon sa storycon, sabi nga niya, ‘ikaw na ang bahala riyan.’
“Walang problema naman sa kanya (asawa) kung magka-crush ako, minsan sasabihin nga niya, ‘ang ganda niyong babae, oh.’ Ngayon wala na akong crush.”
May tiwala raw si Mrs Melody Yap kay Richard, ”we trust each other dahil alam naman niyang this is work. At saka sa tagal na namin, ang dami na naming pinagdaanan kilalang-kilala na namin ang isa’t isa.”
Hindi ba nahirapan noon si Richard na ipagpaalam sa magulang niya na walang dugong Chinese ang napangasawa niya?
“Traditional ‘yung parents ko, ‘yung lumang-lumang (angkan), kasi ‘yung lola ko, nakabalot ang paa, so siyempre gusto nila, mag-asawa ako ng Chinese, hindi ko maintindihan ang erpat ko kasi sa akin siya strict at sa brother ko, mga babae namin, pumapayag siya na hindi Chinese, so may pagka-bias ang erpat ko,”paliwanag ng aktor.
Sa tanong namin kung paano ipinaglaban ni Richard si Melody noon sa magulang niya, ”well, nagpaalam ako ng mabuti kasi ilang beses din niya ako tina-try na ipakilala sa iba at pinagbigyan ko siya actually, pero hindi talaga nagwo-work at sinabi ko kung sino ang gusto kong pakasalan at nagpaalam ako ng mabuti.”
Hiningan naman ng reaksiyon si Richard sa nangyayari sa West Philippine Sea bilang isa rin siyang Chinoy.
“Nasa loob kasi ng Pilipinas ‘yan at ang mahirap nga, kini-claim ‘yan o maraming nagki-claim sa area na ‘yun, but the Hague was given decision na sa atin nga iyon. I guess we have to talk to China about it, I think hindi naman nila gagawin ang hindi dapat kasi kapag inaway nila tayo, hindi lang naman tayo lang, maraming concerned, maraming makikialam kasi marami rin silang kalaban. Kailangan pag-usapan ng mabuti.”
Puosng Pinoy daw si Richard at wala siyang planong iwan ang Pilipinas, ”oo naman dahil saan naman ako pupunta kung babalik ako ng China? Hindi naman ako tatanggapin doon, ha, ha, ha hindi naman ako Chinese passport, dito ako ipinanganak,” tumatawang sabi ni Richard.
FACT SHEET – Reggee Bonoan