PANSAMANTALANG pinalaya ng Supreme Court ang dalawang consultants ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na magiging bahagi ng peace negotiations ng pamahalaan at NDFP sa Oslo, Norway.
Kasunod nito, nanawagan ang Office of the Solicitor General (OSG) na pagbigyan din ng SC ang kanilang hirit na palayain na rin ang nakadetineng political prisoners.
Kabilang sa mga binigyan ng provisional liberty para sa peace talks sina NDFP consultants Vicente Ladlad at Randall Echanis.
Kinatigan ng Korte Suprema ang kanilang pansamantalang kalayaan makaraan maglagak ng P100,000 piyansa.
Sa resolusyon ng SC en banc na may petsang Agosto 2, 2016, kasama rin sa pinalaya si dating Bayan Muna Rep. Satur Ocampo ngunit hindi siya kasama sa peace talks na magsisimula sa Agosto 20.
Kasabay nito, pinaalalahanan ng SC ang dalawa na sundin ang mga inilatag na kondisyon ng korte at binigyang-diin ang pansamantalang kalayaan ni Ladlad at Echanis ay para lamang pagbigyan ang kanilang pagdalo sa informal peace negotiations sa Oslo na inaasahang tatagal hanggang anim na buwan.
Pagkatapos ng peace talks, obligado ang dalawa na bumalik sa bansa at pinayuhan na mag-report sa Philippine Embassy sa Norway.
Kung maaalala, kinasuhan ang tatlo makaraan ang sinasabing pag-utos sa pagpatay sa mga miyembro ng Communist Party of the Philippines (CPP) na pinaniniwalaang mga espiya ng gobyerno sa ilalim ng tinaguriang “operation venereal disease.”