PINAWI ng Palasyo ang pagkabahala ng publiko kaugnay sa balak ng Duterte administration na ibalik ang Reserved Officers Training Corps (ROTC) bilang mandatory sa lahat ng lalaking nasa kolehiyo.
Magugunitang nababahala ang mga kritiko lalo ang Kabataan Party-list sa posibleng paglabag o pag-abuso sa ROTC cadets gaya ng torture o hazing gaya nang naganap noong 2001.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, maka-aasa ang mga kritiko na may malinaw na probisyon sa ihahaing batas laban sa hazing.
Ayon kay Abella, handa ang Malacañang na makipag-dialogo sa ilang grupong nagpahayag ng pagtutol sa muling pagbuhay ng ROTC.
Inihayag ni Abella, nakarating na kay Pangulong Rodrigo Duterte ang hinaing ng Kabataan party-list laban sa mandatory ROTC.
“Narinig na rin kung bakit may mga oposisyon sa pag-i-impose muli ng ROTC, so kasama ‘yan sa pag-uusap. The president is open for conversation,” ani Abella.
Inaasikaso na ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador panelo ang rekomendasyon sa panukalang amyendahan ang Republic Act 9163 o National Service Training Program Act of 2001.