BINAWI na ni Pangulong Rodrigo Duterte kahapon ang self-imposed media boycott na ipinairal niya sa nakalipas na dalawang buwan.
Makaraan ang mass oathtaking ng bagong talagang mga opisyal ng gobyerno sa Rizal Hall sa Palasyo pasado 3:00 pm ay bigla siyang lumapit sa mga miyembro ng Malacañang Press Corps (MPC), Malacañang Cameramen Association (MCA) at Presidential Photographers (PPP) at nagtalumpati kahit nagbigay na siya ng speech bago nagsimula ang okasyon.
Matapos ang maikling mensahe, maagap na sinagot ni Pangulong Duterte ang mga katanungan ng media kaya tumagal ng 35 minuto ang panayam.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na hinarap ni Pangulong Duterte ang lahat ng Malacañang media sa loob ng isang buwan niyang panunungkulan bilang Punong Ehekutibo.
Matatandaan, noong Hunyo 2 ay napikon si Duterte sa mga mamamahayag sa Davao City dahil iniulat na binibigyang katuwiran niya ang media killings.
Hinimok ng Reporters Without Borders, isang Paris-based media organization, na iboykot ng local media si Duterte.
Hindi kinagat ng local media ang panawagan ng Reporter Without Borders ngunit si Duterte ang nagboykot sa media.
Tanging sa government-controlled PTV-4 nagpaunlak ng panayam ang Pangulo mula noong Hunyo 30 at isinasapubliko na lang ng Presidential Communications Office (PCO).
( ROSE NOVENARIO )