SA liham na may petsang 21 Hulyo 2016, ipinaabot ng Komisyon sa Wikang Filipino, sa pamamagitan ni Tagapangulong Virgilio S. Almario, kay Tagapangulong Patricia Licuanan ng CHED ang pasasalamat sa pag-uutos nitó noong 18 Hulyo 2016 ng pagpapanatili ng pagtuturò ng anim hanggang siyam na yunit ng Filipino sa mga institusyon para sa mas mataas na edukasyon (higher education institutions) at hinikayat ang hulí na ipanatili ang ganitong patakaran kahit matanggal na ang ipinataw na TRO.
Sa nasabing liham, pinuri g KWF ang CHED sa pagdidiin na ang paglabag sa tuntunin at sa probisyon sa Temporary Restraining Order ng Korte Suprema ay may kaukulang kaparusahan. Ito rin, aniya, ay magandang pagsisimula sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2016 at sa pagsusulong sa wikang Filipino bílang Wika ng Karunungan.
Noon pang 2014 ay iginiit na ng KWF na tupdin ng CHED ang mandato ng Konstitusyong 1987 hinggil sa wikang Filipino at itaguyod ang karapatan sa seguridad sa trabaho ng mga guro ng Filipino sa tersiyarya. Nagsikap ang KWF na magbukas ng talakayan sa CHED at naging positibo ang tugon ng hulí nang magpasimula ito ng talakayan sa KWF.