NAGING isang ganap na pelikula ang Sadako vs Kayako dahil sa social media hype na nagsimula lamang bilang isang biro noong April Fools’ Day 2015. Matapos ang ilang buwan, ikinatuwa ng maraming horror movie fans ang balitang totohanang ididirehe ito ni Koji Shiraishi, ang respetadong Japanese director na kilala sa pelikulang The Curse.
Sa breakthrough film na ito, mapapasakamay ng magkaibigang sina Yuri at Natsumi ang cursed videotape na mapapanood nila si Sadako (mula sa pelikulang The Ring/Ringu), ang nakatatakot na babaeng naka-puti at may mahabang buhok. Kasunod ang isang phone call na senyales ng kanilang nalalapit na kamatayan.
Samantala, tuloy ang paghahasik ng takot at lagim ng espirito ng mag-inang Kayako at Toshio (mula sa pelikulang The Grudge/Ju-On). Mula nang lumipat ang dalagang si Suzuka malapit sa haunted house, madalas itong binabangungot. Nadiskubre niya na marami na ang namatay dito, at hindi magtatagal ay maaari na siyang sumunod. Ngunit naniniwala ang exorcist na si Keizo at ang psychic girl na si Tamao na puwedeng mailigtas sina Yuri, Natsumi, at Suzuka kung mismong sina Sadako at Kayako ang maglalaban.
Gaya ng sinabi sa trailer, “My curse and your curse will fight. It’s the only way to save our lives.”
Sa labanang ito, tiyak walang sinuman ang basta-bastang magpapatalo at asahan na ang pagdanak ng dugo.
Maraming naisulat na maganda tungkol sa Sadako vs. Kayako. Ayon sa isang manunulat mula sa insing.com: “…nothing is as it seems in ‘Sadako vs Kayako’. As the movie simmers on, you’ll realize just how insane the movie is and the lengths writers Takashi Shimizu and Koji Suzuki will go to pull out scares and twists out of their hats.”
Magugulat ang mga manonood kung saan hahantong ang kalupitan ng dalawang puwersa ng kadiliman. Dagdag din ng manunulat na ito ang isa sa “best looking ‘Ringu’ or ‘Ju-On’ movie made in a while.”
Sinuportahan ito ng isa pang kritiko na nagsabing, “’Sadako vs. Kayako’ is beautiful to look at—production values are very high, with wonderful special effects, camerawork, make-up and costume design, especially when it comes to the two titular horror icons. The acting is also strong all around…”
Ang Sadako vs Kayako ay handog ng Viva International Pictures at MVP Entertainment. Ito ang ika-12 pelikula ng dalawang blockbuster movie franchise. Ipalalabas na ito sa mga sinehan sa July 27, alamin kung sino ang magwawagi sa madugong labanan.