ISANG malaking kalokohan ang Climate Change Agreement na nilagdaan ni Pangulong Benigno Aquino at 194 bansa sa 21st Conference of Parties (COP21) sa Paris, France, ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Inihayag ni Duterte, hindi niya ito kikilalanin dahil pabor lang ito sa malalaking bansa at dehado ang maliliit gaya ng Filipinas.
“I won’t honor Paris agreement on Climate Change,” wika ni Duterte kahapon sa Malacañang sa harap ng mga Filipino athletes na nag-courtesy call sa Palasyo bago tumulak patungong Rio Olympics.
Bago nilagdaan ang Climate Change agreement sa COP 21 noong 2015 sa Paris, France ay naging chairman pa ang Filipinas sa Climate Vulnerable Forum na pinangunahan ni dating Pangulong Aquino kasama ang 20 bansa.
Kabilang sa CVF ang mga bansang Afghanistan, Bangladesh, Barbados, Bhutan, Costa Rica, Ethiopia, Ghana, Kenya, Kiribati, Madagascar, Maldives, Nepal, Rwanda, Saint Lucia, Tanzania, Timor-Leste, Tuvalu, Vanuatu, at Vietnam.
Taliwas ito sa naunang pahayag ni Pangulong Duterte noong inagurasyon niya, na igagalang ang mga international agreement at obligations na pinasok ng nakaraang administrasyon.
Naunang sinabi ni Duterte, ang developed countries ang mas nagbubuga ng carbon emissions simula pa noong Industrial Revolution hanggang sa Great Depression.
“It was really booming, smoke here and there, while the Philippines still primitive. They were…booming and they were really flooding the contaminants sa air. Now that they are rich, we are still rural. We have hand-me-down machinery and they tell us to cut our emissions and limit productivity,: pahayag ni Duterte, ilang araw makaraan manalong pangulo noong Mayo.
Aniya, hindi makatuwiran ang panawagang ito sa underdeveloped at developing countries tulad ng Filipinas, mula sa rich countries.
“Akala ko ba equal itong mundong ito? Sila ang nasa taas, pinipigilan tayo ngayon. Magkakaroon ako ng policy. Ang policy ko, bayaran mo kami. You pay us and then we will comply,” giit ni Duterte sa kanyang press conference sa Davao City noong Mayo 26.
Ang dapat aniyang gawin ng mga mayayamang bansa ay tulungan ang Filipinas kaugnay sa epekto ng Climate Change.
ni ROSE NOVENARIO