NAKAHANDA na ang contingency plan ng Department of Foreign Affairs (DFA) para sa kaligtasan ng overseas Filipino workers (OFWs) na maaaring maapektohan sa nagaganap na tensiyon sa bansang Turkey.
Ayon kay DFA Spokesman Charles Jose, nakikipag-ugnayan na ang Philippine Embassy na nakabase sa Ankara, Turkey, sa kanila tungkol sa aktuwal na sitwasyon sa nasabing bansa.
Sinabi ni Assistant Secretrary Jose, may close monitoring sila sa 3,500 Filipino sa Turkey.
Aniya, walang nadamay na Filipino sa nagpapatuloy na kaguluhan dahil sa tangkang kudeta ng faction ng militar laban sa gobyerno ni Recep Tayyip Erdogan.
Panawagan ng embahada ng Filipinas sa Ankara sa mga kababayan, huwag munang lumabas sa mga tirahan.
Pinayuhan din ang mga kamag-anak ng mga OFW sa Turkey na huwag mabahala dahil constant ang kanilang ‘monitoring’ sa sitwasyon ng mga OFW.
Samantala, idineklara ni Turkish President Recep Tayyip Erdogan, tapos na ang tangkang kudeta para pabagsakin ang gobyerno ng bansa.
Ngunit nagpapatuloy ang walang katiyakang sitwasyon ngayon sa Turkey.
Nagpalabas ng statement ang paksiyon ng militar na nasa likod ng kudeta na determinado raw silang ituloy ang laban.
Ngunit ayon kay Turkish Prime Minister Binali Yildirim, nagtalaga na ng bagong pinuno ng Turkish military kasunod nang tangkang kudeta.
Umaabot sa 90 katao ang napaulat na namatay habang 1,000 ang nasugatan sa kaguluhan. Karamihan sa casualties ay mga sibilyan.
Ayon sa Interior Ministry, nasa 1,563 sundalo ang naarestong may kaugnayan sa kudeta.
Sinasabing napatay ang 16 sa coup plotters o tumiwalag na sundalo.