KASALUKUYAN nang iniimbestigahan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang napaulat na sobra-sobrang pag-iimprenta ng tax seals para sa sigarilyo at alak na umano’y ginagamit ng smugglers upang maipuslit at maibenta ang kanilang kontrabando sa lokal na pamilihan.
Mismong si BIR Comissioner Caesar Dulay ang pinagkatiwalaan ni Presidential Communications Office Sec. Martin Andanar na humawak ng imbestigasyon sa usaping nagsasangkot sa National Printing Office (NPO) and Apo Productions Unit Inc., itinuturong responsable sa labag na batas na produksyon at pamamahagi ng tax stamps.
“BIR is doing it. Comm. Dulay,” ang sagot ni Sec. Andanar.
Nauna rito, ipinag-utos na rin ni Sec. Andanar ang agarang pag-audit sa National Printing Office at ang Apo Productions Inc., upang madetermina ang grupong nasa likod ng overprinting ng mga selyo ng BIR.
Sinasabing ang overprinting ng tax seals ay isinagawa ng isang indibiduwal na nasa loob ng NPO.
Sakali aniyang mapatunayang totoo, mananagot ang mga nasa likod ng nasabing anomalya.
Ang NPO at APO ang natokahang mag-imprenta ng lahat ng mga opisyal na dokumento ng pamahalaan.
Ang mga opisinang ito ay inilagay sa ilalim ng Presidential Communications Office o PCO na pinamumunuan ni Andanar.