LALAGDAAN na ni Pangulong Rodrigo Duterte ano mang araw ngayong linggo ang executive order na magpapatupad ng Freedom of Information (FOI) sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan na sakop ng sangay ng ehekutibo.
Sinabi ni Communications Secretary Martin Andanar, ang kasalukuyang linggo ay magiging makasaysayan dahil sa paglagda ni Pangulong Duterte sa EO para sa implementasyon ng FOI.
Puwede nang busisiin ng ordinaryong mamamayan ang lahat ng kontrata at transaksiyong pinasok ng gobyerno kapag umiral na ang executive order sa FOI.
Habang inaasahan din aniya na ilalabas na ng UN Arbitral Court ang desisyon hinggil sa petisyon ng Filipinas laban sa China sa West Philippine Sea.
Kung ano man aniya ang magiging pasya ng UN Arbitral Court ay pag-aaralan ng tanggapan ni Solicitor General Jose Calida para sa magiging susunod na hakbang ng ating pamahalaan.
Matatandaan, kinuwestiyon ng Filipinas ang nine-dash claim ng China sa West Philippine Sea dahil hindi ito nakasaad sa alin mang probisyon sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Ayon sa panig ng Filipinas, ginamit lang ng China ang nine-dash line claim upang igiit ang esklusibong karapatan sa WPS para pagkaitan ng fishing at exploration activities ang Filipinas.
Iprinesenta ng Filipinas ang walong mapa, ang isa’y mula pa sa Ming Dynasty, at hindi nakasama rito ang sinasabing nine-dash line ng China.
( ROSE NOVENARIO )