TODO-PALIWANAG ang Malacañang kaugnay sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya itinuturing na kriminal ang mga Abu Sayyaf.
Magugunitang marami ang komontra sa nasabing pahayag ng pangulo lalo pa’t marami na ang dinukot at pinugutan ng ulo ng teroristang grupo.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, ang sinasabi lamang ni Pangulong Duterte ay ang konteksto ng mga ginagawa ng Abu Sayyaf at kung paano sila naitulak gumawa nang ganitong karahasan.
Ayon kay Abella, tinitiyak ni Duterte na pananagutin ng gobyerno ang mga Abu Sayyaf sa kanilang nagawa lalo ang kidnap-for-ransom at pamumugot ng mga bihag.
Nag-ugat ang pahayag ni Duterte sa kanyang pagsusulong ng peace process sa MILF at MNLF-Misuari faction at kung paano niya balak resolbahin ang problema sa ASG.