BACOLOD CITY – Tiniyak ni Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza na handa siyang makipagnegosasyon sa Abu Sayyaf Group (ASG) upang mapalaya ang Norwegian hostage na si Kjartan Sekkingstad, dinukot mula sa Samal Island noong nakaraang taon.
Ayon kay Sec. Dureza, may nakausap na siyang mga tao na maaaring magpaabot ng mensahe kay alyas Abu Rami na sinasabing spokesman ng grupo na may hawak sa dayuhang bihag.
Nilinaw ni Sec. Dureza, makikipag-usap siya sa ASG para sa kalayaan ng bihag, ngunit wala dapat itong kaugnayan sa ransom.
Napag-alaman, kabilang ang Norwegian national sa apat na hostage mula sa Samal Island noong 2015 ngunit pinugutan ng ulo ang dalawang Canadian national dahil sa kabiguan na makapagbayad ng ransom habang pinalaya ang Filipina na si Marites Flor.