HINDI namin naumpisahan ang horror-comedy movie na I Love You To Death nina Enchong Dee at Kiray Celis dahil sa matinding trapik sa Edsa noong Biyernes ng gabi bukod pa sa nanggaling pa kami sa Imagine You & Me presscon.
Pangako namin na talagang panonoorin ito sa Hulyo 6 na binigyan ng MTRCB ng rating na PG-13, ayon mismo sa line produder nitong si Percy M. Intalan.
Inabutan naming sobrang in-love sina Tonton (Enchong) at Gwen (Kiray) at nangako sa isa’t isa na magmamahalan hanggang kamatayan at dahil sa sobrang pagmamahal ng binata ay nakipagbuno siya kay Kamatayan.
Hindi naman alam ni Kiray na namatay na ang boyfriend niya kasi nga nagpapakita sa kanya at nagkakausap sila at itinakda pa kaagad ang kasal nila sa tuktok ng bundok na inspire sa pelikulang Twilight nina Robert Pattinson at Kristen Stewart.
Tawang-tawa kami kay Kiray as expected dahil magaling talaga siyang magpatawa at siya lang ang may kakayahang gumawa nito sa henerasyon niya ngayon bukod pa sa wala siyang kalaban bilang young comedienne.
Hindi naman niya ka-level sina Eugene Domingo, Ai Ai de las Alas, Melai Cantiveros, at Pokwang kaya solo niya ang puwesto bilang Comedy Princess, o ha may title na tayo, Ateng Maricris.
Anyway, nagulat kami at natakot na noong biglang dumilim ang langit nang halikan na ni Enchong si Kiray pagkatapos sabihin ng paring si Lou Veloso na, ‘you may kiss your bride’ dahil parang delubyo na ito.
At nabago na rin ang mukha ni Enchong at naging mamamatay tao na dahil hinaharang ng mga kaibigan ni Kiray ang daraanan nila pagkatapos ng kasal.
Masyadong morbid ang pagpatay ni Enchong sa mga kaibigan tulad ng pagtusok niya ng stiletto sa mukha, pagbali ng dalawang braso, pagsunog sa mukha at iba pa na talagang mapapa-yuck ka.
Nakatatawa ang mga taong nasa loob ng SM Megamall Cinema 7 dahil pagkatapos nilang tumawa ng tumawa ay panay naman ang tili habang galit na galit na pumapatay si Enchong.
In fairness, grabe ang reaksiyon ng lahat kaya nga pati sina Enchong at Kiray ay nagulat daw at hindi nila ini-expect na nagustuhan ito ng lahat.
Nakatatawa pa dahil may ChongKi fans na pala sina Enchong at Kiray, akala namin ay tawagan lang nila iyon sa isa’t isa.
Siyempre bukod sa fans na nabuo nilang dalawa ay may kanya-kanyang fans din silang present sa advance screening.
Hindi naman nawawala ang ngiti ni Mother Lily Monteverde na producer ng I Love You To Death at ng direktor na si Mico Livelo handog ng Regal Entertainment dahil pawang positibo ang naririnig na feedback.
At dahil sa tuwa rin ay sa Peri-Peri Charcoal Chicken Restaurant na pag-aari ni Enchong ginanap ang cast party at first time naming matikman ang mga pagkain, masarap pala.
Sa Hulyo 6 na mapapanood ang I Love You To Death at promise sa mga manonood, matatawa kayo at the same time matatakot din.
FACT SHEET – Reggee Bonoan