PATAY ang number one most wanted sa listahan ng Sta. Rosa, Laguna Police at kasabwat niya sa shootout na naganap sa naturang lugar kamakalawa.
Ang mga suspek ay kinilalang sina Ron Ryan Barroga at Jerome Garcia, pinaniniwalaang mga tulak ng droga.
Ayon kay Supt. Reynaldo Maclang, hepe ng Sta. Rosa, Laguna Police, isisilbi sana ang arrest warrant kay Barroga sa NIA Road sa Brgy. Caingin.
Dito sinasabing madalas isinasagawa ng suspek ang kanyang illegal drug transactions.
Ngunit pumalag sina Barroga at Garcia sa mga pulis nang sila ay arestohin kaya’t nauwi ang pag-aresto sa shootout.
Napag-alaman mula kay Reynaldo Capule, Barangay Tanod sa Brgy. Caingin, bukod sa mga transaksyon sa droga, ay nahuli na rin noon sina Barroga at Garcia dahil sa panghoholdap.