YUMAO na ang boxing icon na si Muhammad Ali. Pero hindi lamang siya isang boxing icon, si Ali ay isa ring showbiz figure. Sinasabi nga ng marami na simula nang dumating si Ali at tinalo niya si Sonny Liston noong 1961, ang boxing ay parang naging showbiz na rin. Naging entertaining ang sports dahil kay Ali.
Matapos lamang ang kanyang unang laban na tinalo si Liston, ang kasunod na ginawa niya ay isang long playing album na pinamagatan niyang The Greatest, at gamit pa niya roon ang kanyang tunay na pangalan, Cassius Clay. Sa nasabing album ay kinanta nga niya iyongGreatest, at isang cover version ng kantang Stand By Me na unang pinasikat ni Ben Kingsley.
Nasundan pa iyon ng isang kanta tungkol sa kanya, iyong Muhammad Ali The Black Superman, na sumikat nang husto at laging pinatutugtog kung saan man ang kanyang laban bilang welcome song habang siya ay pumapasok sa venue, paakyat ng ring.
May isa pang kantang masasabing sumikat dahil kay Ali, iyong The Greatest Love of All na kinanta para sa bio pic ni Ali ni George Benson. Nang malaunan, gumawa ng isa pang version ng naging klasikong kantang iyon si Whitney Houston.
Marami rin namang nagawang pelikula tungkol kay Ali at siya mismo bilang isang artista. Iyon ngang pelikula tungkol sa buhay niya, iyong The Greatest ay naging isang malaking hit sa takilya. Lumabas din siya sa The American at iba pang mga pelikula.
Sa Pilipinas, unang nagkaroon ng isang shopping mall at ipinangalan iyon kay Muhammad Ali. Binuksan iyon kasabay ng laban nila ni Joe Frazier sa Maynila noong October 1975.
Kaya nga nang mamatay si Ali, sinasabi ng marami na hindi lang isang boxing icon, isang showbiz icon din ang nawala.
HATAWAN – Ed de Leon