BINA-BASH naman ngayon sa social media si Arnel Ignacio. Dahil iyon sa kanyang ginawang video na nagbibigay siya ng opinion tungkol sa nakaraang eleksiyon. Ang nakatatawa, iyong karamihan sa mga nagba-bash kay Arnel ay mga taong nanggagalaiti noon at nagsasabing walang “freedom of expression” dahil sa martial law. Ngayon wala namang martial law, pero bakit hindi nila pabayaan ang freedom of expression ni Arnel?
Kung ayaw ninyo ng sinasabi niya, i-unfollow ninyo siya. Kami ganoon ang ginagawa namin. Basta mga post na ayaw naming makita, bina-block namin para di makunsume. Natural lang kasi iyong may kanya-kanyang opinion ang mga tao. Kung sa opinion ninyo malinis ang eleksiyon eh ‘di gumawa rin kayo ng sarili ninyong video at i-post ninyo. Iba ang opinion niya eh, kaya igalang naman natin iyon at ang karapatan niyang magpahayag ng kanyang saloobin.
Kagaya rin naman iyan noong nasasabi kung minsan na lubog na ang isang matinee idol, aba nagwawala ang kanyang fans. Eh kung sa opinion ng iba ay lubog na siya dahil hindi na nga siya napag-uusapan at wala nang interest sa kanya ang publiko, maliban na lang sa kanyang fans, patunayan dapat ng fans niya na sikat siya. Gumawa sila ng hit na pelikula. Gumawa sila ng seryeng mataas ang ratings. Hindi mababago ng pamba-bash nila sa mga may ibang opinyon ang katotohanan.
HATAWAN – Ed de Leon