ni TEDDY BRUL
TULOY ang welga at kasado ngayong araw ang grupong Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) sa malawakang welga bilang protesta sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at pabigat na buwis sa sektor ng transportasyon.
Ayon sa National President ng grupo na si Mody Floranda, magsasagawa ang PISTON ng mga pagkilos sa Metro Manila at iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kabilang sa mga lalahok ang mga kasapi ng PISTON sa Southern Tagalog, Cebu, Bicol, Panay, Iloilo, Bacolod, Baguio, Bulacan, at Pampanga—hudyat ng sabayang pagkilos sa iba’t ibang rehiyon.
Giit ni Floranda, hindi sila titigil hangga’t hindi naaalis ang VAT, excise tax, at iba pang buwis sa produktong petrolyo na aniya’y lalo lamang nagpapabigat sa pasanin ng mamamayan at tsuper.
Kasabay nito, iginiit din ng grupo ang agarang pag-rollback ng presyo ng langis sa ₱55 kada litro—isang antas na kanilang itinuturing na mas makatarungan para sa publiko.
Batay sa datos ng DOE, 10 hanggang 16 ng Marso 2026, pumalo ang presyo ng gasolina sa ₱63.40 hanggang ₱75 kada litro; ang diesel sa ₱70.95 hanggang ₱91; at ang kerosene sa ₱85 hanggang ₱134.89 kada litro—mga presyong patuloy na sumasakal sa kabuhayan ng mamamayan.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com