MARIING itinanggi ng kampo ni dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang mga tangkang iugnay siya sa plunder at iba pang seryosong krimen. Binigyang-diin nila na mismong ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang naglinaw na ang kanilang referral sa Ombudsman ay ginawa nang “walang finding o conclusion ng guilt o liability.”
Sa isang pahayag, sinabi ni Atty. Ade Fajardo, abogado at spokesperson ni Romualdez, na ang mga huling statement mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ay hindi dapat bigyan ng maling pakahulugan bilang ebidensiya ng pagkakasala.
“Napansin namin ang statement ng DPWH Secretary. Pero mahalagang linawin na ang isang DPWH ‘recommendation’ ay hindi isang finding, at lalong hindi ito basehan para sabihing guilty ang isang tao,” ani Fajardo.
Kategoryang itinanggi ang mga paratang
Pinabulaanan ni Fajardo ang mga ulat na nagsasabing inirekomenda ng ICI ang pagsasampa ng plunder o iba pang seryosong charges laban sa dating Speaker.
“Hindi totoo na nagrekomenda ang ICI sa Ombudsman na kasuhan si dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ng plunder o iba pang seryosong krimen kaugnay ng flood control o sa 2025 budget issue,” dagdag niya.
Walang adverse conclusion
Sa katunayan, itinuro niya na ang ICI mismo ang nagsabi na walang anumang adverse conclusion laban kay Romualdez sa kanilang isinumiteng ulat sa Office of the Ombudsman.
“Malinaw ang nakasaad sa referral report ng ICI: ito ay inisyu nang ‘walang finding o conclusion ng guilt o liability sa panig ni dating Speaker Romualdez’,” paliwanag ni Fajardo.
Tiwala sa proseso
Sinabi ni Fajardo na iginagalang ni Romualdez ang mga proseso ng ating mga institusyon at tiwala siyang susuriin ng Ombudsman ang usapin nang patas at independiyente.
“Naniniwala kami sa due process. Hihintayin namin ang malayang pagsusuri ng Ombudsman base sa mga ebidensiya, at hindi base sa mga soundbites lang sa press conference,” pagtatapos ng abogado.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com