HATAW News Team
PATAY ang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Undersecretary Maria Catalina Cabral na hinihinalang nahulog sa gilid ng bangin sa Kennon Road sa Tuba, Benguet, ayon sa pulisya, Huwebes ng gabi, 18 Disyembre.
Sa ulat ng pulisya, sinabing una siyang natagpuang walang malay sa Bued River, mga 20 hanggang 30 metro sa ibaba ng highway ngunit idineklarang patay paglaon, batay sa inisyal na ulat ng mga awtoridad.
Dinala ang labi ni Cabral sa isang funeral parlor sa lugar.
Nabatid sa ulat ng Benguet Police Provincial Office, si Cabral at ang kanyang driver ay binabagtas ang Kennon Road patungong La Union dakong 3:00 p.m. nang ipinahinto ng una ang sasakyan sa Maramal area ng Camp 5, Camp 4, at nagpaiwan roon.
Kinilala ang driver na si Ricardo Munos Hernandez, na nagsabing nagtungo siya sa malapit na gasoline station matapos siyang paalisin ni Cabral. Bumalik siya sa lugar dakong 5:00 pm ngunit hindi natagpuan ang dating opisyal ng DPWH.
Sinabi ng pulisya na hinanap ng driver ang kanyang amo saka nagpunta sa isang hotel sa Baguio City sa paniwalang bumalik doon si Cabral, ngunit hindi pa rin siya nakita.
Muling bumalik ang driver sa lugar ng Kennon Road dakong 7:00 p.m. at nang hindi pa rin makita si Cabral ay iniulat na ang insidente sa pulisya.
Nakita ng mga nagresponde mula sa Baguio City Police Office at mula sa Tuba Municipal Police Station si Cabral na walang malay sa riverbank sa ibaba ng highway.
Agad nakipag-ugnayan ang pulisya sa Tuba Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at sa Bureau of Fire Protection (BFP) para makuha ang labi ni Cabral sa nasabing lugar.
Ang nasabing kaso ay ini-refer sa Benguet Provincial Forensic Unit para sa scene-of-the-crime operations. Kasunod umano nito ang progress report habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Sa gitna ng corruption scandal, isa si Cabral sa dating DPWH officials na inaakusahang ‘umayos’ ng budget insertions o tinatawag ngayong “allocables” sa pamamagitan ng National Expenditure Program at inirekomendang sampahan ng kasong administratibo.
Si Cabral ay itinuro rin ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo na tumanggap nang bahagi sa kickback scheme kapalit ng mga substandard at ghost flood control projects na sinabing pinakinabangan din ng mga mambabatas at iba pang public officials.
Noong isang linggo, nag-isyu ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) ng subpoena para kay Cabral upang dumalo sa mga pagdinig. Sinabi ng pulisya na hindi na siya nagpakita sa panel bago ang insidente ng pagkamatay.
Kasunod nito, nang mabalitaan ang pagkakasagip sa labi ni Cabral, inatasan ng Office of the Ombudsman ang Benguet authorities na isailalim sa kanilang pag-iingat at pangangalaga ang kanyang cellphone at iba pang gadgets.
Ang mga nasabing kagamitan ay ibibigay sa mga imbestigador sa tamang pagkakataon, ayon kay Ombudsman spokesperson Mico Clavano.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com