NAGAWANG makadalo sa pamamagitan ng virtual hearing si Senator JV Ejercito sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee, habang naka-confine sa ospital hinggil sa isyu ng Letters of Authority (LOAs) ng Bureau of Internal Revenue (BIR) noong Huwebes, 11 Disyembre 2025.
Ibinunyag ni Sen. Ejercito ang mga detalye ng umano’y modus ng Letters of Authority at pinalobong tax assessments sa BIR—mga reklamong natanggap lamang ng kanyang tanggapan ilang araw bago ang pagdinig.
Bagama’t virtual ang pagdalo ni Sen. Ejercito sa kabila ng kanyang pagkaka-confine sa ospital ay maaaring ituring na patunay ng kanyang dedikasyon bilang Senador, ito rin ay nagsilbing paalala ng kawalan ng aksiyon ng kanyang tanggapan sa isang ethics complaint laban kay Senator Francis “Chiz” Escudero na inihain mahigit 70 araw ang nakalipas.
“The ethics complaint against then Senate President Francis “Chiz” Escudero filed in October 2025 with 347 citizen-signatories, remains without a case number under Senator JV’s watch. The Chair of the Ethics Committee found time to attend a week-old investigation’s hearing in spite of his confinement,” ayon kay Atty. Marvin B. Aceron, pangunahing nagrereklamo.
Matatandaan, noong 2 Oktubre, isinumite ni Atty. Aceron sa tanggapan ni Sen. Ejercito ang isang beripikadong ethics complaint laban kay Sen. Escudero na nagdodokumento ng ₱35-milyong nawawala umano sa financial statements ng Centerways Construction na pag-aari ng campaign donor ni Sen. Escudero na si Lawrence Lubiano, ₱30-M na donasyon ni G. Lubiano sa 2022 senate campaign ni Sen. Escudero, at ₱16.67-B na mga kontrata ng DPWH na nakuha ng Centerways sa kasalukuyang termino ng Senado.
Sinundan ni Atty. Aceron ang reklamo ng isang omnibus motion at isang bukas na liham kay Sen. Ejercito na nilagdaan ng 347 mamamayan, kabilang ang mga propesyonal, National Artist for Literature na si Virgilio Almario, at ang 1987 Constitutional Commissioner Prof. Ed Garcia.
Noong 6 Nobyembre nakatanggap si Atty. Aceron ng isang opisyal na liham na pirmado ni Sen. Ejercito na kumikilala sa pagtanggap ng reklamo, nagpapatunay na may tatlo pang nakabinbing ethics complaints sa Senado, at nangangakong ipatutupad ang prosesong “first in, first out” (FIFO) kapag muling nagtipon ang komite sa linggo ng 10-14 Nobyembre.
“The Committee intends to deliberate on the four pending complaints filed against individual senators in the order they were received, following a ‘first in, first out’ approach. As the Chairperson, I am committed to carrying out our mandate with integrity, impartiality and full respect for due process,” nakasaad sa pahayag ni Sen. Ejercito.
Ngunit hanggang 16 Disyembre hindi pa rin naglalabas ng case number ang Senate Ethics Committee na pinamumunuan ni Sen. Ejercito, dahilan upang magsumite si Atty. Aceron ng isang mosyon noong 9 Disyembre na humihiling sa Senado na ipatupad ang barangay docketing system.
“We ask the Senate to 1) assign a case number immediately upon filing, 2) enter it into a public docket, 3) acknowledge receipt in writing, and 4) provide a timeline for action (15 days for preliminary review),” pahayag ni Atty. Aceron.
“We are not demanding judgment. We are not forcing a ruling,” paglilinaw niya.
“But when he is ready—and when the Committee is able—we ask: assign a case number, acknowledge the complaint and let the process function. Doing so would be one of the best Christmas gifts to the Filipino people,” wika ni Atty. Aceron.
Ayon pa kay Aceron, alam nilang naka-confine pa ang senador kaya dasal nila ang mabilis niyang paggaling. (HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com